CLICKBAIT ni JO BARLIZO
SENTRO na ngayon ng talakayan hindi lang sa social media, ang nalalapit na impeachment trial ni Vice President Sara Duterte. Syempre kasama na riyan kung sino ang dapat mamuno sa proseso. Dahil nakatutok ang publiko at tiyak na bawat hakbang ng Senado ay susuriin, kailangan ng isang presiding officer na may sapat na kaalaman, karanasan, at kakayahang panatilihing maayos ang takbo ng paglilitis.
Giit ng iba, dapat ay abogado ang manguna dahil hindi biro ang trabaho sa impeachment. May ilang pangalan na ang pinalulutang pero mukhang marami ang kumbinsido kay Senator Chiz Escudero.
Hindi kasi ordinaryong pagdinig ang impeachment trial. Maraming legal na usapin ang maaaring lumabas, mula sa procedural questions hanggang sa mga argumento tungkol sa Konstitusyon.
Sa ganitong sitwasyon, mas may kumpiyansa ang publiko kung ang namumuno ay isang taong may matibay na pundasyon sa batas. Bilang abogado at matagal nang mambabatas, may sapat na kakayahan si Escudero para gabayan ang Senado sa mga ganitong usapin.
Isa pa, hindi siya madaling ituring na kakampi ng alinmang panig. Sa mga nakaraang buwan, nakatanggap siya ng kritisismo mula sa parehong kampo. May mga tagasuporta ni Vice President Sara na hindi kumbinsido sa ilan niyang naging hakbang. Kasabay nito, mayroon ding mga pabor sa impeachment na nadismaya sa ilan sa kanyang mga naging pasya.
Kung tutuusin, may positibong ibig sabihin iyon. Kapag parehong may reklamo ang magkabilang panig, mas mahirap sabihing kumikilos siya para sa interes ng isa lamang. Sa halip, mas lumalabas na nakatuon siya sa tungkulin ng Senado at sa tamang proseso.
Nakita rin ito sa naging usapin tungkol sa salitang “forthwith” sa Konstitusyon. Marami ang hindi sumang-ayon sa kanyang interpretasyon noon, pero hindi siya natinag sa kanyang paninindigan.
Nang maglaon, kinatigan ng Korte Suprema ang naging hakbang ng Senado. Ipinakita nito na kaya niyang paghiwalayin ang legal na pagtingin sa ingay ng pulitika.
Dagdag pa rito, hindi na bago sa kanya ang ganitong uri ng proseso. Nakilahok na siya sa mga impeachment proceedings noon kaya may malinaw siyang pag-unawa sa mga hamon na kaakibat nito.
Ang importante ngayon ay hindi kung sino ang gustong manalo. Ang dapat tiyakin ay kung magiging patas, maayos, at kapani-paniwala ang buong proseso. Sa batayan ng kaalaman, karanasan, at pagiging independent, si Senator Chiz Escudero ang isa sa may pinakamalakas na dahilan upang mamuno sa impeachment trial.
126 