NAGHAIN si Senador Raffy Tulfo ng panukalang naglalayong ipagbawal sa anomang hukuman, tribunal, o iba pang awtoridad ang paglalabas ng temporary restraining order (TRO) o injunction laban sa anomang wage order.
Sa ilalim ng Senate Bill No. 2372, nais ni Tulfo na amyendahan ang Article 126 ng Labor Code upang matugunan ang aniya’y umiiral na legal loophole sa batas.
Binanggit ng senador ang naging pagsuspinde sa implementasyon ng Wage Order No. NCR-27 ng National Wages and Productivity Commission (NWPC), na nagtatakda ng P85 dagdag sa arawang minimum na sahod ng mga manggagawa sa pribadong sektor sa National Capital Region (NCR).
Naantala ang implementasyon ng wage order matapos maglabas ng TRO ang Pasig Regional Trial Court kaugnay ng petisyon para sa declaratory relief na inihain ng dalawang pribadong kumpanya.
Ayon kay Tulfo, bagama’t ipinagbabawal na ng Article 126 ng Labor Code ang paglalabas ng injunction laban sa anumang “proceedings” ng NWPC at ng Regional Tripartite Wages and Productivity Boards (RTWPBs), maaari pa ring bigyang-kahulugan ang salitang “proceedings” bilang tumutukoy lamang sa mga pagdinig at deliberasyon ng mga naturang ahensya.
Dahil dito, nagagamit pa rin umano ang mga hukuman upang makakuha ng mga kautusang pumipigil sa implementasyon at pagpapatupad ng pinal na wage orders.
Sa pamamagitan ng panukala, layunin ni Tulfo na matiyak ang agaran at walang sagabal na pagpapatupad ng mga wage order upang mapangalagaan ang kabuhayan ng mga manggagawa at maisakatuparan ang konstitusyonal na mandato ng social justice.
(DANG SAMSON-GARCIA)
52 