(NI BETH JULIAN)
HUMIHIRIT pa ng ilang panahon si Pangulong Rodrigo Duterte sa PDP- Laban para pag-aralang mabuti kung sino ang ieendorso nito para maging pambato ng partido sa House speakership.
Sinabi ni Senator-elect Bong Go, sa Hunyo 28 ay mag- aanunsyo ang Pangulo kung sino ang susuportahan nito para sumabak sa pwesto sa pagka-speaker of the House.
Ayon kay Go, ang palugit ay hiniling ng Pangulo Martes ng gabi sa ginanap na dinner sa Malacanang, kasama ang mga bagong halal ng kongresista kabilang ang Presidential son na si Pulong Duterte.
Kabilang sa mga PDP Laban na naghayag ng interes na tumakbo para sa posisyon ay sina Marinduque lone district Rep. Lord Allan Velasco, Pampanga 3rd District Rep. Aurelio Jong Gonzales at Davao City 1st District Rep. Pantaleon Alvarez.
Una rito, sinabi ni Presidential spokesperson Atty. Salvador Panelo na hindi makikialam si Pangulong Duterte sa usapin ng labanan ng speakership sa Kamara at mananatili lamang itong neutral o patas.
128