(PHOTO BY MJ ROMERO)
MAGTATAGPO ang University of Santo Tomas at De La Salle sa title rematch, matapos magtala ng magkahiwalay na panalo sa semis ng UAAP Season 82 Women’s Beach Volleyball Tournament kahapon sa Sands SM By The Bay.
Ang four-peat seeking Golden Tigresses na ibinabandera nina Babylove Barbon at Gen Eslapor ay nahablot ang 8-0 card, kasunod ng 21-7, 21-8 panalo laban kina Ateneo’s Ponggay Gaston at Roma Mae Doromal.
Habang sina Tin Tiamzon at Hustine Jazareno ng La Salle ay nanaig kina Sheena Gallentes Shiela Mae Kiseo ng Far Eastern University, 21-18, 19-21, 15-11, para ikalawang sunod na pagsabak ng Lady Spikers sa kampeonato.
Tumapos namang pangatlo ang Ateneo Lady Eagles, nang talunin ang Lady Tams, 20-22, 21-17, 15-13.
Sisimulan ng UST at De La Salle ang kanilang best-of-three series sa alas-8:40 ng umaga ngayon (Linggo), kung saan ang Tigresses, may record na 27-0 sapol pa noong 2016, ay maghahangad ng ikapitong korona.
Habang magtatangka naman ang Lady Spikers sa kanilang ikalawang kampeonato, mula nang unang magwagi noong 2015 sa likod nina Kim Fajardo at Cyd Demecillo.
