SOLON SA SERYE NG PAGPATAY SA BUCOR OFFICERS ANOMALYA SA BILIBID ‘NILILINIS’

MALAKI ang paniwala ni Sen. Richard “Dick”  Gordon na may koneksiyon ang pagpatay sa isang opisyal ng Bureau of Correction (BUCOR) ng riding in tandem sa Muntinlupa sa sumambulat na bentahan ng Good Conduct Time Allowance (GCTA) o “freedom for sale”.

Sa panayam, sinabi ni Gordon na nagtataka siya sa sunod-sunod na pamamaslang sa mga opisyal ng BuCor at sa tingin niya ay malaki ang kinalaman nito sa scam sa pagbebenta ng kalayaan ng mga presyong nahatulan ng habambuhay na pagkakabilangggo.

Sa tingin ng mambabatas, nililinis na ang eskandalo sa New Bilibid Prison kaugnay sa pagsambulat ng GCTA scam kung kaya’t pinatay si Atty. Fredric Santos ng riding in tandem ilang metro ang layo sa paaralan ng kanyang anak sa Barangay Poblacion, Muntinlupa City alas-2 ng hapon noong MIyerkoles.

Dahil dito, kaagad nanawagan si Gordon kay Pangulong Duterte na kumilos agad upang matukoy kung sino ang mastermind ng pagpatay kay Santos.

“I hope the President orders the NBI (National Bureau of Investigation) to act immediately on the matter because the Bureau of Corrections is under the Department of Justice (DOJ),” ayon sa senador.

Noong nakaraang taon, tumestigo si Santos sa isinagawang imbestigasyon ng Senate blue ribbon committee.

Ibinulgar si Santos na pinagsabihan n’ya si dating Bucor Chief Nicanor Faeldon na kailangan aprubahan ni  DOJ secretary Menardo Guevarra ang GCTA bago lumaya ang convicted heinous criminals.

Sumabog ang GCTA for sale matapos mabulgar na makakalaya na si dating Calaunan Mayor Antonio Sanchez na pumatay sa 2 estudyante ng UP Los Banos.

Ngunit, matapos ungkatin ni Gordon hinggil sa kautusan na kailangan aprubahan ng DOJ chief ang GCTA ng heinous crime convicts, biglang kumambiyo si Santos kayà nakasuhan siya ng contempt dahil nagsinungaling at umiiwas sa tanong hinggil sa mga anomalya sa Bilibid.

Kamakailan, inirekomenda ng Senate blue ribbon committee ang pagsasampa ng kaso laban kay Faeldon at anim pang opisyal hinggil sa GCTA for sale, hospital pass for sale at iba pang anomalya sa NBP.

Umabot na sa apat na Bucor officials kasama si Santos ang napatay simula noong 2018 na sinasabing may kaugnayan sa anomalyang bumabalot sa GCTA for sale. Estong Reyes

 

565

Related posts

Leave a Comment