UMAAPELA ang Commission on Human Rights(CHR) sa Malacanang na ipasa na ang Whistleblower Act na magbibigay proteksyon sa mga testigo kasunud na rin ng pagpaslang kay BuCor Lawyer Fredric Anthony Santos.
Ayon kay CHR Spokesperson Jacqueline de Guia, malinaw na ang pagpatay kay Santos ay dahil sa nalalaman nitong anomalya sa Good Conduct Time Allowance(GCTA).
“May summary killing po na nangyari sa insidenteng ito and napakaimportante na tingnan natin mula sa anggulo na siya ay isang potential whistleblower doon sa GCTA”pahayag ni de Guia.
Si Santos na sinuspinde ng Office of the Ombudsman dahil sa pagkakasangkot sa GCTA mess sa Bureau of Corrections ay pinagbabaril ng hindi pa nakikilalang suspek habang pasundo na ito sa eskuwelahan ng kanyang anak sa Muntinlupa City.
Bukod kay Santos matatandaang pinatay din noong Agosto 2019 si Ruperto Traya Jr na siyang in-charge sa safekeeping ng GCTA documents.
Naniniwala si De Guia na mayroon pang magiging kasunud sina Santos at Traya dahil sa lawak ng anomalya sa GCTA kaya ngayon na umano ang tamang panahon para iprayoridad na maipasa ang nakabinbing Whistleblower Act.
“Mayroon pong nakabinbin na whistleblower act sa Kongreso at napakaimportante pong maipasa ito kasi potentially gusto po nating ‘yung mga taong lalabas at mayroong alam na vital information agad-agad po dapat, automatic dapat mabigyan ng seguridad para po hindi mailagay sa peligro ang buhay nila at importanteng lumabas ang katotohanan,” giit pa nito.
Sakaling maisabatas ang panukala nais ni de Guia na ang CHR ang siyang ahensyang magpapatupad nito dahil na rin sa pangamba na sangkot din sa katiwalian ang mga government offices.
“Sana nga rin po ay maibigay sa amin potentially itong responsibilidad na ito kasi po with our independence, we guarantee na magigging neutral at fair ‘yung aming pag-handle niyan,” ani de Guia.
Sa kasalukuyan ay may 3 panukala sa Senado at 8 naman sa kamara ang nakabinbin na nagsusulong na maisabatas ang whistleblower. Abby Mendoza
449 