HAMON NG SOLON SA ABS-CBN SERBISYONG MAKATAO SA MGA EMPLEYADO

HINAMON sa mababang kapulungan ng Kongreso ang management ng ABS-CBN na ipatupad sa 11,000 empleyado nito ang kanilang ‘mantra” na ‘In service of the Filipino People” sa pamamagitan ng pagreregular sa mga ito.

Ginawa ni ACT-CIS party-list Rep. Eric Yap ang nasabing hamon kasunod nang paglutang ng mga dating empleyado ng nasabing TV stations na nagrereklamo dahil ilegal umano silang tinanggal sa kanilang trabaho.

“Hinihikayat natin ang ABS CBN na panindigan at patunayan na sila ay tunay na “In Service of the Filipino People” sa pamamagitan ng pag-regular sa humigit kumulang na 11,000 nilang empleyado,” ani Yap.

Kung totoo aniya na kapakanan ng mga tao ang iniisip ng ABS-CBN, dapat unahin ng mga ito ang karapatan ng mga empleyado nila para maipakita sa taumbayan na seryoso ang mga ito sa sinasabi nilang serbisyo sa mga Filipino.

“Isabay n’yo na rin ang pagbabayad ng back pay at iba pang benepisyo ng 120 na empleyado na diumano’y illegally terminated noong 2010 na hanggang sa ngayon ay patuloy na pinaglalaban ang kanilang karapatan,” ani Yap.

“Kung magagawa ninyo ito, sigurado tayo na susunod na rito ang ibang malalaking kumpanya at tiyak na bayan at manggagawang Pilipino ang panalo pagdating sa dulo,” dagdag pa ng kongresista.

Samantala, mistulang nabuhayan naman ang mga pro-ABS-CBN franchise Congressmen sa pahayag ni Sen. Bong Go na payag na umano si Pangulong Rodrigo Duterte na isalang na sa pagdinig ng Kongreso ang prangkisa sa nasabing TV network.

“I concur with Senator Bong Go on the urgency factor. The Senate also needs time to tackle the franchise bills the House will work on. I understand Senator Go’s statements to mean that the Senators want to tackle the bills now if the House will allow as a courtesy to the Senate,” ani Ako Bicol party-list Rep. Aflredo Garbin.

Ang Kongreso ay mayroon na lamang tatlong (3)  linggo para desisyunan ang prangkisa ng ABS-CBN dahil sa Marso 11 ay magbabakasyon na ang mga ito kaya paiksi nang paiksi umano ang oras ng mga mambabatas sa nasabing isyu na habang tumatagal, ayon kay Garbin ay umiinit.

 

189

Related posts

Leave a Comment