CHINESE TRADER INAMBUSH SA MAYNILA

TINAMAAN ng bala sa kaliwang pisngi ang isang 43-anyos na negosyanteng Chinese makaraang pagbabarilin habang lulan ng kanyang Toyota Camry, nitong Linggo ng madaling araw sa Ermita, Manila.

Nilalapatan ng lunas sa Manila Doctor’s Hospital ang biktimang si Wenyan Shiao, may asawa, reidente ng #680 Elcano St., Binondo, Manila

Samantala, patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng MPD- Ermita Police Station 5 sa pagkakakilalan ng tumakas na gunman na lulan ng motorsiklong itim na may orange at walang plaka.

Batay sa ulat na nakarating kay P/Lt. Col. Ariel Caramoan, station commander, bandang 1:15 ng madaling araw nang tambangan ang biktima sa Padre Burgos St. sa tapat ng National Museum sa Ermita.

Isang tawag mula kay P/Cpl. Sammy Gabbac, nakatalaga sa Tactical Motorized Rider’s Unit (TMRU) ng Station 5, ang natanggap ng duty desk officer na si P/SMSgt. Michael Villafranca hinggil sa shooting incident sa lugar  kaya agad nagsagawa ng dragnet operation ang bawat himpilan ng pulisya.

Unang nagresponde sa lugar sina P/Cpl. Nepuscua at P/Cpl. Babaran, kapwa nakatalaga sa MPD-Lawton PCP.

Ayon kay P/Cpl. Nasser Ismael at P/SMgt. Aldrin Bacho, base sa salaysay ni Leo Gambala, 22-anyos, vallet parking attendant, habang binabaybay ng negosyanteng Tsino na lulan ng kanyang Toyota Camry (AAJ – 8159), ang P. Burgos St. papunta sa may Planitaruim at sa Round Table nang sumulpot ang nag-iisang gunman na sakay ng motorsiklo.

Nang mag-red signal ang traffic light, saka lumapit ang suspek at pinagbabaril ang sasakyan ng biktima na tinamaan ng bala sa kaliwang pisngi at tumagos sa kabila.

Bagama’t sugatan, pinaharurot ng biktima ang kanyang sasakyan hanggang sa makarating sa center island malapit sa  A. Bonifacio Shrine sa tabi ng Manila City Hall patungo sa north bound lane at doon sumadsad.

Isinugod ang biktima sa nasabing pagamutan at kasalukuyang inoobserbahan ni Dr. Pauline Convocal.

Napag-alaman ng pulisya, narekober ang P52,600 halaga na laman ng wallet ng biktima.

Malaki ang hinalang tangkang holdapin ang biktima na maaaring galing sa casino o may kaugnayan sa negosyo ang insidente.

Samantala, ayon sa testigong si Gambala, isang empleyado ng Manila Hotel, bago ang insidente, nagkaroon ng mainitang pakikipagtalo ang biktima sa isang lalaking naka-short at nakasakay sa Honda Click na kulay orange, dahil sa gitgitan sa kalye.

Ang kotse ng biktima ay isinailalim sa pagsisiyasat ni P/Major Liz Ann Sucgang, team leader ng Scene of the Crime Operatives. (RENE CRISOSTOMO)

 

 

145

Related posts

Leave a Comment