MALAKAS umano sa lokal na pamahalaan sa Quezon City ang padrino ng mga bahay aliwan na may bold shows sa iba’t ibang lugar sa nasabing siyudad.
May inisyal umanong “PM” at nagmamay-ari rin ng establisyemento at naging presidente ng samahan ang padrinong ito ng mga bahay aliwan sa Quezon City.
Kung kayat hindi matitinag-tinag ang mga bearhouse o club na may bold shows dahil sa koneksyon ni alyas PM sa Quezon City government.
Nabatid din na malakas din umano kay Quezon City Police District (QCPD) Director Sr. Supt. Ronnie Montejo si alyas PM kung kayat patuloy ang bold shows sa iba’t ibang fun houses sa nasabing siyudad.
Kabilang sa mga lugar kung saan matatagpuan ang mga beerhouses at club na nagpapalabas ng malalaswang panoorin, ay ang Commonwealth Area; Aurora Blvd., Cubao; kahabaan ng Quezon Avenue at maging sa Quirino Hi-way, Novaliches, pawang ng Quezon City.
Ginagawa rin umanong pronta ng prostitusyon ang mga massage parlor na matatagpuan sa Quezon City na nag-o-offer ng extra service.
Sa pag-iikot sa buong Quezon City, nakitangnaglipana ang mga massage parlor na mistulang ordinaryong establisiyemento lamang ngunit kung susuriin ay may nangyayaring kalaswaan sa loob nito.
Kaugnay nito, sa halip na matigil ang bold shows sa Quezon City ay lalo pang lumalala dahil sa koneksyon umano ni alyas PM sa City Hall at kay QCPD Director Sr. Supt. Montejo.
Napag-alaman din na ilan sa loob ng nasabing fun houses sa Quezon City ay nagkakaroon ng transaksyon ng ilegal na droga.
Ang mga parokyano umano ng fun houses ay siya rin mga nagiging kustomer ng sindikato ng ipinagbabawal na gamot. (JOEL O. AMONGO)
