PANGAKONG DONASYON NG DOH SA WHO PINASISILIP

NAIS ni Senior Citizens Party List Representative Rodolfo “Ompong” M. Ordanes na silipin ng Kamara ang $10-milyong ipinangako ng Department of Health (DOH) na iaambag sa World Health Organization (WHO).

Sa kanyang House Resolution No. 1072, sinabi ni Ordanes na ang naturang halaga ay nakalaan upang suportahan ang 2025-2028 14th General Programme of Work ng WHO.

Ayon sa mambabatas, ang pangakong ambag ng DOH ay inanunsyo sa isinagawang 75th Western Pacific Regional Committee noong Oktubre 2024.

Sinabi pa ni Ordanes na bagamat mahalaga ang pagsusulong ng mga pandaigdigang inisyatiba para sa kalusugan, dapat munang isalang-alang ng DOH ang kasalukuyang lagay ng pampublikong sistemang pangkalusugan sa Pilipinas.

Idiniin niya na marami pa ring kinakaharap na hamon ang sektor ng kalusugan, kabilang ang kakulangan sa kapasidad ng mga pampublikong ospital, kakapusan ng healthcare personnel, at limitadong suplay ng libreng gamot.

“Maraming pagkakataon na humihingi kami ng mga gamot at bakuna para sa mga senior citizens ngunit hindi kami nabibigyan, samantalang ang pondong dapat sana’y inilaan para sa mga pangangailangang pangkalusugan ay napupunta sa ibang bagay,” ani Ordanes.

Ayon pa sa mambabatas, mahalagang malaman kung saan kukunin ang $10 milyon, ano ang magiging epekto nito sa mga programa ng DOH, at kung may sapat na legal na batayan para sa naturang pangako.

110

Related posts

Leave a Comment