MULING nabulabog ang tahimik na isla ng Patnanungan sa lalawigan ng Quezon, matapos anurin ang isa pang pakete ng hinihinalang cocaine na nagkakahalaga ng mahigit P5.8 milyon.
Kusang-loob na isinuko ng 39-anyos na mangingisdang si alyas “Dennis” ang mahigit isang kilo ng puting crystalline substance, sa mga awtoridad.
Ayon sa ulat, nangunguha ng alimango si Dennis sa dalampasigan ng Sitio Katmon, Barangay Busdak noong Lunes ng umaga, nang mapansin ang pakete.
Hindi ito ang unang pagkakataon na nagpamalas ng katapatan ang mga residente rito.
Ito na ang ikatlong beses ngayong taon na may napadpad na droga sa parehong barangay.
Noong Abril at Mayo, milyun-milyong piso ring halaga ng cocaine ang isinuko ng iba pang mga mangingisda.
Dahil sa lawak ng baybayin ng Quezon na umaabot sa mahigit isang libong kilometro, madalas itong maging bulnerable sa smuggling.
Ayon kay Quezon Police Provincial Office Director, Police Colonel Romulo Albacea, posibleng nagmula pa sa ibang bansa ang mga illegal substance na ito.
(NILOU DEL CARMEN)
77 