SOBRA SA KUMPIYANSA?

GEN Z TALKS ni LEA BAJASAN

MAY mga tao talagang kahanga-hanga ang kumpiyansa. Iyong tipong kahit paulit-ulit nang nasasangkot sa kontrobersiya, parang walang nangyari. Tatayo sa harap ng kamera, ngingiti, kakaway, at muling hihingi ng tiwala ng publiko. Minsan tuloy napapatanong ako kung saan ba nabibili ang ganoong klaseng kapal ng mukha?

Tulad na lamang nitong si Senador Jinggoy Estrada na nitong Mayo 28 ay muling sinampahan ng ng kasong plunder at graft kaugnay ng umano’y maanomalyang flood control projects. Hindi ito ang unang pagkakataon na nadikit ang kanyang pangalan sa mabigat na alegasyon ng korupsyon.

Sa loob ng maraming taon, ilang beses na siyang naging bahagi ng malalaking usapin na umabot hanggang sa korte. Hindi ito opinyon. Bahagi ito ng pampublikong rekord.

Pero ang mas nakakainteres para sa akin ay hindi ang kaso mismo. Nasa kamay na iyon ng hukuman. Ang tanong ko ay mas simple. Paano nagagawa ng ilang politiko na bumalik nang bumalik kahit paulit-ulit na silang nasasangkot sa kontrobersiya? Anong klaseng paniniwala mayroon ang isang tao para isipin na kahit ano pa ang mangyari, may puwang pa rin siyang babalikan?

May nagsasabi na normal lang iyon sa pulitika. May nagsasabi ring wala namang hatol kaya dapat bigyan ng pagkakataon. Totoo naman. Ngunit hindi rin maikakaila na may pagkakaiba ang pagiging inosente sa batas at pagiging malinis sa mata ng publiko.

Magkaibang bagay ang dalawang iyon. Kapag ang isang pangalan ay paulit-ulit nang lumilitaw sa mga balita tungkol sa korupsyon, natural lamang na magkaroon ng mga tanong ang mga tao.

Minsan iniisip ko na baka hindi talaga ang mga politiko ang may pinakamalaking kumpiyansa. Baka tayo. Tayo na madaling makalimot. Tayo na sanay nang makarinig ng iskandalo hanggang sa hindi na tayo nagugulat. Kapag may bagong kaso, ilang araw tayong magagalit. Pagkatapos, may bagong usapin na namang papalit. Para bang ang pinakamabisang depensa laban sa kontrobersiya ay hindi paliwanag kundi panahon.

May isa pang bagay na nakapagtataka. Kapag ordinaryong manggagawa ang nagkamali sa trabaho, maaari siyang masuspinde o matanggal. Kapag estudyante ang nahuling nandaya, may kaparusahan. Ngunit sa pulitika, tila may mga pagkakataong hindi gaanong mabigat ang epekto ng kontrobersiya. May ilan pang nagagawang bumalik sa puwesto, manalo sa halalan, at muling humawak ng kapangyarihan. Para bang ang mga iskandalo ay naging hadlang lamang na kailangang lampasan at hindi babalang dapat pagnilayan.

Siguro kaya rin may mga opisyal na hindi natitinag sa batikos dahil nakita na nila ang paulit-ulit na siklo. May lalabas na alegasyon, magkakaroon ng ingay, magkakagulo sa social media, at pagkatapos ay unti-unting tatahimik ang usapan. Habang lumilipas ang panahon, ang dating malaking balita ay nagiging lumang kuwento. At kapag nakalimot na ang marami, saka muling magpapakita ang mga pamilyar na pangalan na para bang bagong mukha sa pulitika.

Kaya sa tuwing may opisyal na nahaharap sa panibagong alegasyon at tila hindi man lang nababahala, naiintindihan ko kung bakit. Kung paulit-ulit kang nabibigyan ng pagkakataon, darating ang puntong iisipin mong wala nang dahilan para matakot. Hindi iyon basta kumpiyansa. Hindi rin basta katapangan. Iyon ay paniniwalang kahit gaano kabigat ang batikos, may mga taong handang magkunwaring walang nangyari.

63

Related posts

Leave a Comment