Tiniyak ni PNP chief Director General Jose Melencio Nartatez Jr. na walang espesyal o VIP treatment na ibibigay kay dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Manuel Bonoan habang nasa kustodiya ng Philippine National Police.
Ito ay matapos mailipat si Bonoan sa isang pribadong ospital noong Martes ng gabi mula sa PNP General Hospital.
“I have directed the PNP Health Service and the CIDG to maintain full transparency, enforce tight security, and ensure that no special or ‘VIP’ treatment is extended,” ani Nartatez.
Si Bonoan ay kabilang sa mga pinatawan ng warrant of arrest ng Sandiganbayan kaugnay ng kasong plunder at graft na may kaugnayan sa umano’y multi-million flood control projects scandal.
Kabilang din sa mga inakusahan sina Senador Jinggoy Estrada at tatlong opisyal ng DPWH-NCR.
Ayon kay Nartatez, mahigpit na minomonitor ang kalagayan ni Bonoan at agad itong ihaharap sa korte sa sandaling payagan na ng mga doktor.
“The PNP enforces court orders fairly and without favor. Former Secretary Bonoan surrendered voluntarily but required immediate medical intervention after a severe blood pressure spike during booking,” dagdag ng PNP chief.
Na-confine si Bonoan matapos umabot sa 192/100 ang kanyang blood pressure habang isinasagawa ang booking procedures kasunod ng kanyang pagsuko sa CIDG.
Bagama’t pansamantalang bumuti ang kanyang kondisyon, muli siyang isinailalim sa gamutan matapos tumaas muli ang kanyang blood pressure.
Ayon naman kay PNP Health Service Director PBGen. Portia Manalad, nananatili si Bonoan sa ilalim ng obserbasyon matapos makitaan ng elevated laboratory results at sumasailalim pa sa masusing pagsusuri ng mga medical specialist dahil sa kanyang edad at iba pang health risks.
Sinabi rin ng PNP na idodokumento ang lahat ng kanyang confinement, gamutan at galaw habang nasa kustodiya upang matiyak ang patas at maayos na pagpapatupad ng batas.
(JESSE RUIZ)
79 