CAYETANO NANATILING SENATE PRESIDENT; PAGLUKLOK KAY GATCHALIAN, ‘ILLEGAL AT UNCONSTITUTIONAL’

MARIING kinuwestiyon ni Senate President Alan Peter Cayetano ang legalidad ng pagluklok kay Senador Win Gatchalian bilang acting Senate President Pro-Tempore at iginiit na siya pa rin ang lehitimong pinuno ng Senado.

Sa isang livestream, sinabi ni Cayetano na walang bisa at labag sa Konstitusyon ang hakbang ng 12 senador dahil wala umanong sapat na bilang upang magsagawa ng pagbabago sa liderato ng kapulungan.

Ayon kay Cayetano, kinakailangan ang boto ng 13 senador o mayorya ng 24 na miyembro ng Senado upang mapatalsik ang isang opisyal o makapaghirang ng kapalit nito.

“Paano nila aalisin si Sen. Loren Legarda kung 12 lang po sila? Wala silang 13. Pag may 13 po sila, ako pa magvo-vote sa kanila. Pero wala silang 13. You’re playing around with fire. This is not just about the Senate, this is about the Philippine Constitution,” ani Cayetano.

Ipinaliwanag niya na opisyal nang nag-adjourn ang Senado noong Martes at nakatakdang muling magbukas ng sesyon alas-5:00 ng hapon ng sumunod na araw.

Tinutulan din niya ang pahayag ng kabilang kampo na mayroon silang “continuing quorum.”

Ayon pa kay Cayetano, malinaw sa Section 4 ng Senate Rules na maaari lamang maging acting Senate President ang Senate President Pro-Tempore kung nagbitiw, natanggal sa puwesto, namatay o tuluyang nawalan ng kakayahang gampanan ang tungkulin ang nakaupong Senate President.

“Hindi po tayo nag-resign, removal—hindi po nila ako naalis. Buhay pa naman po siguro ako, hindi po AI ito. Absolute incapacity—siguro naman po nakikita niyo, nakakapag-isip po ako, nakakapagsalita po ako,” giit niya.

Inakusahan din ni Cayetano ang kabilang kampo na ginagamit lamang ang isyu ng umano’y nabinbing trabaho sa Senado upang bigyang-katwiran ang pagbabago sa liderato at mga komite.

Ayon sa kanya, ang tunay na layunin umano ng balasahan ay pigilan ang nakatakdang pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee hinggil sa kontrobersyal na flood control scandal.

Binatikos din niya ang ginawang pagpapalit sa mga komite na nagresulta sa pagkansela ng nakatakdang pagdinig.

“Tomorrow, tuloy ang hearing ng Blue Ribbon Committee. You can try to stop us but you will be stopping the Filipino people,” aniya.

Sa kabila ng sine die adjournment, tiniyak ni Cayetano na itutuloy niya ang mga pagdinig upang mailantad ang umano’y mga anomalya sa flood control projects bago magsimula ang impeachment proceedings laban kay Vice President Sara Duterte.

Nanawagan din siya sa publiko na magsagawa ng prayer vigil sa labas ng Senado at hinimok ang kabilang kampo na muling pag-isipan ang kanilang mga hakbang upang mapanatili ang kalayaan at integridad ng Senado.

124

Related posts

Leave a Comment