ITINUTURING ng Malacañang na nakaaalarma ang umano’y tangkang paglilinis ni Vice President Sara Duterte sa mga pangalan ng mga indibidwal na nasasangkot sa korapsyon.
Ayon kay Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro, ipinakikita umano ng Bise Presidente na biktima lamang ng political persecution ang mga personalidad na nahaharap sa mga kaso.
“Nakakaalarma ang mensahe ng Bise Presidente dahil nililinis na niya ang mga sangkot sa korapsyon. Dahil ba sa kaalyado niya ang mga ito? Pinapalabas niya na mga biktima lamang silang lahat ng political persecution,” ani Castro.
Binigyang-diin ng opisyal na ang mga inirereklamong personalidad ay dumaan sa proseso ng imbestigasyon at nabigyan ng pagkakataong sagutin ang mga alegasyon laban sa kanila.
“Ang kinakasuhan ay ang mga di umano’y sangkot sa anomalya o korapsyon. Dumadaan ito sa pag-iimbestiga, sa pagrespeto sa due process at ang mga naaakusahan rito ay dininig at binigyan ng pagkakataon na sumagot,” dagdag niya.
Nauna rito, sinabi ni Vice President Duterte sa isang video message na nanganganib umano ang demokrasya dahil ginagamit ang mga institusyon ng gobyerno laban sa mga kritiko at oposisyon sa gitna ng impeachment proceedings at umiinit na tensiyong pulitikal.
“A democracy cannot survive when those in power see every critic as an enemy and every opposing voice as a threat,” ayon kay Duterte.
Agad namang sinagot ni Castro ang pahayag ng Bise Presidente.
“Wala silang ibang depensa kundi manira sa administrasyon, ngunit tahimik sa merito ng mga akusasyon. Maging mapanuri. Huwag na tayong magpaloko,” ani Castro.
Iginiit pa ng Palace official na walang pinipiling kampo ang pamahalaan sa pagsasagawa ng mga imbestigasyon.
“Naghahanap ang mga kababayan natin ng mga dapat na managot na tinatawag nilang mga ‘big fish.’ Kaalyado man o hindi, kung nasasangkot dapat na maimbestigahan, ‘yan ang nagaganap sa ngayon,” dagdag pa niya.
(CHRISTIAN DALE)
74 