WELCOME sa World Health Organization ang pagsasagawa ng Virtual Press conference lalo’t mahigpit na ipinatutupad sa kasalukuyan ang social distancing.
Nito lang nakaraang Sabado ay nagsagawa ng gayung klaseng set up sa pagbibigay ng impormasyon sa publiko ang Department of Health na may kinalaman sa COVID-19.
Ayon kay WHO representative to the Philippines Dr. Rabindra Abeyasinghe na sa panahon ngayon, marami ng channels para maabot ng pamahalaan ang media at maabot din naman ng media ang publiko lalo’t kailangan ng kaukulang pag-iingat sa kasalukuyang sitwasyon.
Ginagawa na aniya ng WHO ang ganitong latag ng pulong balitaan sa pamamagitan ng internet na kung saan ay nakapagtatanong din naman ang media.
Bentahe din aniya ito sa hanay ng mismong mga nasa media dahil mas nalalayo ang mga ito sa anomang peligro ng posibleng transmission ng nakakatakot na sakit.
Kaugnay nito, itinutulak din ng ilang mambabatas ang pagdaraos ng virtual session sa mababang kapulungan ng Kongreso upang maipasa ang mga panukalang batas na kailangan sa paglaban sa coronavirus disease.
Ayon kay Cagayan de Oro City Rep. Rufus Rodriguez, kailangang magsakripisyo ang mga mambabatas at kung hindi ubra na pumunta nang personal sa session hall sa Kamara ay puwedeng gamitin ang video-teleconferencing.
Sa ngayon ay nasa kani-kanilang mga probinsya ang mga mambabatas at ipinagbabawal na ang pagbiyahe papunta at palabas ng Metro Manila bukod sa seryosong ipinatutupad ang social-distancing.
“I am suggesting that the House and the Senate meet in a special session through video-teleconferencing and other technological means since President Duterte has prohibited mass gatherings and banned travel from the provinces to Metro Manila,” ani Rodriguez.
Bago nagbakasyon ang Kongreso noong nakaraang linggo, maraming panukalang batas ang inihain upang ayudahan, hindi lamang ang mga negosyanteng apektado sa COVID-19 kundi ang mga manggagawa. CHRISTIAN DALE, BERNARD TAGUINOD
486 