KINASTIGO sa Kamara ang Social Security System (SSS) dahil ilang araw nang bagsak ang kanilang website kaya apektado ang mga miyembro na nakikipagtransaksyon sa pamamagitan ng internet lalo na ngayong umiiral ang enhanced community quarantine (ECQ).
Ayon kay Makati Rep. Luis Campos Jr., hindi katanggap-tanggap na sa panahon ng makabagong teknolohiya ay hindi maayos ang website ng SSS at nasisira ito kapag maraming miyembro ang gumagawa ng online transaction.
Ginawa ng mambabatas ang pahayag dahil mula noong Abril 18, ay bagsak ang website ng SSS dahil sa dami umano ng transaksyong pumapasok.
“Please be advised that the SSS website (sss.gov.ph) has been on downtime since April 18, 2020. While we expected higher online traffic due to the launch of the Small Business Wage Subsidy (SBWS), the overwhelming response to this program surpassed the computing capacity of the system,” ayon sa notice ng SSS sa kanilang website.
Hiniling din ng mambabatas sa Pag-IBIG Fund, Philippine Health Insurance Corp., (PhilHealth) Government Service Insurance System (GSIS) at Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) na ayusin ang kanilang website dahil maraming miyembro ng mga ito ang nangangailangan ngayon ng kanilang ayuda. BERNARD TAGUINOD
418 