ONLINE SERVICES NG GOBYERNO PABIBILISIN

NAGHAIN ng isang panukalang batas si Senador Grace Poe upang itatag ang e-governance na magpapabilis sa pagtugon sa pangangailangan ng pangkaraniwang mamamayan dahil napapanahon ang online services ng pamahalaan.

Sa pahayag, sinabi ni Poe, chairman ng Senate committee on public services, na layunin ng Senate Bill No. 1683 na mapagaan at mapabilis ang pagtanggap ni Juan Dela Cruz sa kanyang personal claims o utang o business-related requirement sa pamamagitan ng maayos na online government system.

‘Tama lamang na matiyak ang malinaw at episyenteng gobyerno na isang klik lang mula sa kanilang mamamayan,” ayon kay  Poe saka idinagdag na kung may serbisyo ang isang ahensiya na puwedeng gamitin kahit nasa loob ng tahanan, ang mga senior citizen at buntis, halimbawa, hindi na kailangan pang  magdusa sa sapin-sapin na burukrasya para sa kanilang pangangailangan.

Kasabay nito, kinilala ni Poe na kailangan ng Pilipinas na mapahusay ang connectivity infrastructure ng Pilipinas upang maisagawa ang gawaing ito.

“Ngayon ang pinakamahusay na panahon upang palakasin ang inisyatiba na mabigyan ang Filipino ng mabilis at maaasahang koneksiyon ng internet na talagang makakalipat sila sa online transaction sa pambansang ahensiya at local government units,”  giit ni  Poe.

Sa ilalim ng panukala ni Poe, kailangan ipatupad ang interoperability (sec 3 (e)) o ang sama-samang kapasidad ng gobyerno na magkaroon ng operasyon online bilang pamantayan ng pamamaraan.

“Dapat talagang matugunan ng gobyerno ang mga katanungan at pangangailangan ng interaktibo sa pamamagitan ng magaling na online staff na sumusuporta sa ekstensibo, napapanahong listahan ng FAQs  (frequently asked questions and answers),” ani Poe.

Sinabi pa ni Poe na kailangan pagsama-samahin ang lahat ng business related-transaction sa lahat ng ahensiya ng pamahalaan upang mapabilis ang pagkuha ng permiso at lisensiya (sec. 5 (4)).

Layunin din ng panukala na bumuo ng real-time services (sec.5 (6)) sa procurement process na kinapapalooban ng bidding at contract agreements.

Inaatasan din ang lahat ng ahensiya ng pamahalaan sa naturang panukala na pagsama-samahin ang lahat ng payment system sa isang database upang maging episyente ang financial system.

Pangungunahan ito ng  Department of Information and Communications Technology (DICT) upang matiyak na magkaroon ng napapanahon at episyenteng e-government master plan (sec.4) na regular na binabago o pinauunlad depende sa kasakuluyang pangangailangan. (ESTONG REYES)

159

Related posts

Leave a Comment