Away ng mga ‘astig’ na politiko sa gitna ng pandemya BULLY SONNY VS BULLY GO?

SALPUKAN ng mga bully.

Ganito inilarawan ng ilang netizens ang palitan ng tweet nina Senador Bong Go at dating Senador Sonny Trillanes na pawang pambu-bully sa isa’t isa.

Nabatid na agad nag-post sa Twitter si Trillanes ng pambubuska kay Go kaugnay ng pagpapa- subpoena nito sa pamamagitan ng National Bureau of Investigation (NBI) sa isang college student dahil sa umano’y pagkakalat ng fake news at paninira sa kanya.

Sa tweet ni Trillanes, tinawag nitong malakang mam-bully si Go kasabay ng pagpapaalala ng frigate scam.

“Malakas makapang-bully ng estudyante itong Bong Go na ‘to. Siguraduhin mo lang na di iikot ang mundo, kundi may kalalagyan ka. Tatandaan mo, dokumentado yung sabit mo sa frigate scam,” saad ni Trillanes.

Matatandaang inakusahan noon ni Trillanes si Go na nanghimasok sa procurement ng Philippine Navy ng frigate.

Sa pahayag naman ni Go, muli niyang tinawag na hari ng fake news ang dating mambabatas.

“Bagyong Trillanes! Isa kang hari ng fake news, manloloko na walang ginawa kundi manira ng kapwa, at alam naman natin na ikaw ang totoong Bikoy,” saad ni Go.

Iginiit pa ni Go na kaya siya nanalong senador ay dahil sa mga alegasyon ni Trillanes na pawang walang basehan at sinabing nagsawa na ang taumbayan sa estilo niyang black propaganda.

“Antayin kita dito sa Senado kung manalo ka sa susunod na eleksyon at sabay nating imbestigahan ang mga anomalya mo. Hindi mo na maloloko ang taumbayan,” diin pa ni Go.

Kinantyawan naman ng mga netizen ang patutsadahan ng dalawa dahil pinatutunayan lamang umano ng mga ito ang kanilang pagiging bully. (SAKSI NEWS TEAM)

166

Related posts

Leave a Comment