NALANTAD sa nagpapatuloy na imbestigasyon sa mababang kapulungan ng Kongreso ang raket ng isang doktor na kasabwat umano ng mafia sa PhilHealth matapos kumpirmahin ng mismong sercretary nito ang ‘pagdoktor’ nito sa sakit ng pasyente para makasingil ng malaki.
“Malalim na ang problema ng PhilHealth. Demonyo na talaga ang nagpapatakbo sa scam na ito”.
Ganito inilarawan ni Magsasaka party-list Rep. Argel Cabatbat ang katiwalian sa ahensya na iniimbestigahan ng House committee on public account na pinamumunuan ni Anakalusugan party-list Rep. Mike Defensor.
Sa kanyang interpelasyon, isiniwalat ni Cabatbat ang umano’y katiwalian na ginagawa ng isang Dr. Mark Dennis Menguita sa Koronadal, South Cotabato, para makakolekta ng malaking halaga sa PhilHealth.
“Dinoktor niya ang mga diagnosis ng mga pasyente. Mismong staff nya, secretary nya ay nag-testify na against him and yet na-dismiss ‘yong administrative case laban sa kanya,” ani Cabatbat.
Ayon sa mambabatas, ang modus operandi umano ni Menguita ay kumuha ng mga tao sa pamamagitan ng kanyang mga recruiter upang ma-check-up sa mga kasabwat na pagamutan.
Kahit wala umanong sakit ay palalabasin na may malalang sakit kaya noong 2014 at 2018 ay pinalabas na tumaas ang porsiyento ng nagkaroon ng inflammatory disease sa Region 12.
“Pero ‘yong ganitong kalaking increase, hindi ba dapat nire-report nyo na ‘to sa World Health Organization na parang may pandemic na doon sa region na ‘yon ng ganitong sakit?,” ayon pa kay Cabatbat. Subalit hindi ito pinansin ng PhilHealth at binayaran pa rin si Menguita.
Isa lang umano ito sa mga sakit na dinodoktor ni Menguita upang makasingil ng malaki sa PhilHealth.
Bagaman walang ideya si Cabatbat kung sino ang kasabwat ni Menguita sa PhilHealth, ay hindi ito naniniwalang wala itong koneksyon dahil maging si Senate President Vicente “Tito” Sotto III ay hindi pinapansin ng ahensya sa kanyang privilege speech laban sa nasabing doctor.
Si Menguita ang pinaghihinalaan ni Cabatbat na nasa likod ng bigong pag-ambush sa kanya noong Disyembre 19, 2017 sa EDSA, Quezon City na ikinamatay ng isa sa mga salarin na si Mark Ayeras, isang pulis at ikinasugat ng isa pa na si John Paul Napoles habang nakatakas ang iba pa.
Sinabi ni Cabatbat na ang mga suspek na umambush sa kanya ay mga suspek din sa pagpatay kay Dan Joseph Alas na nagsampa ng kaso laban kay Menguita. (BERNARD TAGUINOD)
291
