Rep Defensor sa pagbibitiw ni Morales DOF TAKEOVER SA PHILHEALTH

ITINUTULAK ngayon sa Kongreso na i-takeover ng Department of Finance (DOF) ang Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) matapos magbitiw ang pinuno nito ‘headless’.

Sa pagpapatuloy ng pagdinig ng House committee on public accounts na pinamumunuan ni Anakalusugan party-list Rep. Mike Defensor, iginiit nito na pamunuan na ng DOF ang PhilHealth upang hindi maapektuhan ang operasyon ng nasabing ahensya.

Ginawa ni Defensor ang nasabing apela matapos mag-resign sina President & CEO ret. Gen Ricardo Morales at EVP for legal sector Atty. Rodolfo del Rosario Jr., habang may sakit naman umano ang Excutive Vice President at Chief Operating Officer (COO) ng ahensya na si Arnel de Jesus.

“Ang mas malaking isyu [ngayon] dito at ng sambayanan ay ‘yung liderato ng PhilHealth. Effectively wala pong leadership ngayon ang PhilHealth. Maybe temporarily we can request the President to

assign PhilHealth under Finance [Department] or any other, or the Department of Health or any agency para lang ho magkaroon ng leadership sa ngayon,” ani Defensor.

“Yung pamamalakad sa PhilHealth sa gitna ng COVID, nakakatakot na walang kumukumpas at walang nagdadala ng liderato sa loob ng PhilHealth,”  dagdag pa ng mambabatas.

Ayon kay PhilHealth Corporate Secretary Jonathan Mangaoang, itinalaga ng board si De Jesus bilang officer in charge (OIC) bilang pinakamataas na opisyal ng ahensya kasunod ng pagre-resign ni Morales.

Gayunman, sinabi ni Defensor na may sakit si De Jesus kaya kailangang magtalaga ang Pangulo ng pansamantalang mamumuno sa PhilHealth upang hindi maapektuhan ang operasyon ng ahensya lalo’t nasa gitna ng pandemya ang bansa sa COVID-19.

Inamin ni Mangaoang na hindi ikinonsidera ng board ang kalagayan ng kalusugan ni De Jesus nang italaga ito bilang OIC ng PhilHealth nang uriratin ito ni Dasmarinas Rep. Elpidio Barzaga Jr.

Kaugnay nito, wala pa ring napipisil si Pangulong Rodrigo Roa Duterte na magiging kapalit ni Morales.

Sinabi ni Presidential spokesperson Harry Roque na bagama’t mayroon nang mga pangalan na kandidato o shortlist na hawak ang Pangulo ay maingat aniya ito sa gagawing pagpili.

Tutal naman aniya ay wala namang timeline ang Pangulo sa iuupo niyang bagong PhilHealth president kaya’t hindi ito nagmamadali.

Nauna nang binanggit Sec. Roque na kailangan na ang magiging kapalit ni Morales ay walang bahid ng korapsyon,  may managerial skills at mayroong kakayahan na mamuno sa insurance at health service. (BERNARD TAGUINOD/CHRISTIAN DALE)

177

Related posts

Leave a Comment