WELCOME sa Malakanyang ang lumabas na pag-aaral ng Social Weather Stations (SWS) na halos lahat ng Filipino ang sumusunod sa itinakdang health protocols ng pamahalaan.
Naitala kasi na 79 porsyento ng nakatatandang Filipino ay laging nagsusuot ng face mask kapag lumalabas ng tahanan mula sa 76 porsyento nitong Hulyo.
Para sa Malakanyang, ang pinakahuling SWS national mobile phone survey on COVID-19 safety measures ay panghihikayat lalo pa’t mayorya ng mga Filipino ay sumusunod sa inirekomendang health protocols ng pamahalaan.
“This goes to show that our drive to inform and educate people to observe public health standards have reached our countrymen,” ayon kay Presidential spokesperson Harry Roque.
Gayunpaman, hinikayat ni Sec. Roque, ang publiko na huwag maging kampante dahil na rin sa wala pang bakuna o gamot sa COVID-19.
“We must never fail on reminding our people to continue adhering to these COVID-19 safety measures, especially now that we have started to gradually reopen the economy,” aniya pa rin.
“We have to take care of the health of our people even as we look after the economic health of the nation,” dagdag na pahayag nito.
Sa ulat, 67 porsyento naman ang laging naghuhugas ng kamay mula sa 65 porsyento nitong Hulyo.
Nagpag-alaman din ng National Mobile Phone Survey na 60 porsyento ng mga may edad na Filipino ang sumusunod sa physical distancing mula sa 59 porsyento noong Hulyo.
Naitala rin ang 56 porsyento sa mga Filipino na nagsusuot ng face shield habang nakasakay sa mga pampublikong sasakyan at tuwing papasok sa mga establisimyento. (CHRISTIAN DALE)
