BINIGATAN pa sa mababang kapulungan ng Kongreso ang pressure sa Inter-Agency Task Force (IATF) para payagan ng mga ito ang 100% balik pasada ng public utility jeepneys (PUJs).
Base sa House Resolution (HR) 1254 na inakda ng 101 congressmen, nais ng mga ito na pabalikin sa lansangan ang 75,000 PUJ unit sa Metro Manila upang magsimula nang sumigla ang ekonomiya ng bansa.
Magugunita na mula noong Marso 17, nang isailalim sa enhanced community quarantine (ECQ) ang Metro Manila ay hindi na pinayagan ang mga PUJ na bumiyahe.
Nang lumuwag ang community quarantine noong Hunyo 1 ay tanging ang mga taxi, pampasaherong bus, UV express, shuttle bus at modernong jeep ang pinayagang bumiyahe.
Katapusan na anila nang payagan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang 6,002 PUJ unit at nagdagdag ng 968 unit noong Agosto 3, para sa binuksan na 15 bagong ruta.
Sa kabuuan, mula Hunyo hanggang Setyembre 18 ng taong ito, umaabot lamang umano sa 17,372 traditional jeepney ang pinayagang bumiyahe o 23% lamang sa 75,000 unit na nasa Metro Manila.
Dahil dito, iginiit ng mga nabanggit na mambabatas na magkaroon na ng 100% balik-pasada sa Metro Manila upang magsimula nang gumana ang ekonomiya ng bansa dahil nakasalalay aniya sa mga ito ang pagbangon ng bansa.
Maliban dito, mas ligtas umano sa COVID-19 pandemic ang mga traditional jeep dahil base sa pag-aaral ng University of Amsterdam, United States for Disease Control and Prevention at
European Center for Disease Prevention and Control, mas mababa ang insidente ng hawaan sa COVID-19 sa mga open-aire vehicle.
“Whereas, jeepney operators and drivers have shown their willingness and capability to innovate and implement health and safety measures to protect their patrons from the virus such as the installment of plastic seat dividers,” ayon pa sa resolusyon. (BERNARD TAGUINOD)
104