GIGINHAWA na ang pagbiyahe ng mga residente sa lalawigan ng Rizal at inaasahan na lalong dadami ang mga investor sa lalawigan dahil sa itatayong Cardona Ferry Terminal.
Ito ang inaasahan ni Rizal 2nd District Congressman Fidel Nograles kaugnay ng groundbreaking ceremony sa konstruksyon ng Cardona Ferry Terminal bukas (Huwebes), Oktubre 8.
“Nagagalak po tayong ibalita na magsisimula na ang construction ng Cardona Ferry Terminal.
Magandang alternative ang ferry na ito para sa mas maginhawang commute ng mga Rizaleño,” ani Nograles.
Ang nasabing proyekto ay bahagi ng plano ng bagitong mambabatas na maitatag ang Laguna Lake Ferry Network para maging maginhawa at mapabilis ang biyahe ng mga Rizaleño mula sa
Cardona hanggang Guadalupe (Makati) Station at maibsan ang problema sa trapiko sa Metro Manila.
Unang iminungkahi ni Nograles kay Department of Transportation Secretary Arthur Tugade ang nasabing proyekto noong Disyembre 2019 at ngayon ay itatayo na ito at susundan pa ng iba pang terminal sa Jala-Jala town.
“Matagal nang reklamo ng mga Rizaleño ang maraming oras na ginugugol nila sa pagbagtas ng tradisyunal na ruta patungong Metro Manila at pabalik.
Naniniwala kaming mainam na solusyon ang ferry service para maiwasan ang buhol-buhol na trapik,” ani Nograles.
Bukod sa ginhawa para sa pagbiyahe ng mga Rizaleño ay makatutulong din ang nasabing proyekto upang matutukan nang husto ang Laguna Lake dahil sa mga oportunidad na makukuha rito.
“Laguna Lake has many growth areas that could benefit all the areas along it.
Ang end-game na nakikita natin ay ang maayos na pag-develop ng Laguna Lake, na makakatulong hindi lang sa problema sa trapik, kundi para na rin sa disaster risk management lalo na sa pagbaha, at pati na rin sa turismo,” ayon sa Harvard trained-lawyer.
Kumpiyansa rin ito na kapag fully operational na ang ferry system ay mas maraming investor ang maglalagak ng negosyo sa nasabing lalawigan kaya umapela ito sa mga local government unit (LGUs) na nakapaligid sa Laguna Lake na magtayo rin ng ferry lines.
“Simulan na po natin ang dayalogo sa national government para ma-tap natin ang full potential ng Laguna Lake. It’s in the best interest of our constituents if we take the initiative so we can have a fully-working, sustainable, and interconnected system,” dagdag pa ni Nograles. (BERNARD TAGUINOD)
