BUBUSISIIN ni Senadora Imee Marcos ang National Economic Development Authority (NEDA) at Philippine Statistics Authority (PSA) hanggang makakuha ito ng matino at nakakukumbinsing paliwanag hinggil sa bidding na naganap sa sistema ng national ID ng bansa.
Hanggang ngayon ay inaantay ni Marcos ang paliwanag ng pamunuan ng NEDA at PSA hinggil sa subastang naganap na isang kumpanya lang ang lumahok.
Noong Oktubre 9, hiningan ni Marcos ng paliwanag ang pamunuan ng NEDA at PSA tungkol sa pagkapanalo ng Madras-Mega Data sa bidding tungkol sa ID na gagamitin sa national ID system ng bansa dahil nanalo ang nasabing kumpanya sa subastang ito lamang ang nag-iisang partisipante.
Ang Madras – Mega Data ay pinagsamang kumpanya ng Madras Security Printers at Mega Data Corporation.
Batay sa rekord na isinumite sa pamahalaan, ang Madras ay pag-aari ng mga negosyanteng Indian, samantalang ang Mega Data ay mga negosyanteng Filipino naman ang nagmamay-ari.
Ani Marcos, nanalo ang Madras – Mega Data nang walang kalaban na ibang kumpanya.
Pinagpapaliwanag ni Marcos ang pamunuan ng NEDA at PSA dahil hangad niyang malaman kung bakit itinuloy ang subasta gayung Madras – Mega Data lamang ang pumasa matapos nilang baguhin ang mga alintuntunin sa kalagitnaan ng bidding process.
“The original bidding requirement specified an on-premises system wherein a data center is physically set up at a selected site, but this was later modified to include remote hosting of data in a cloud-based system, according to the Philippine Computer Society Foundation,” ayon kay Marcos.
“After the rules were changed, all other bidders except Madras-Mega Data dropped out of the selection process, short of time to modify the logistics and financials of their bid proposals and meet the submission deadline reset by the PSA,” patuloy ng senadora na kapatid ni dating Senador Ferdinand “Bongbong” Marcos II.
Malaki ang ipinagtaka at ipinagduda ni Marcos nang payagang matuloy ang bidding na Madras-Mega Data ang lumahok dahil mayroong masamang karanasan ang ibang bansa sa Madras Security Printers.
Ani Marcos, nabalita sa Bangladesh na pumalpak ang Madras na matapos ang 500,000 cards at ibigay sa pamahalaan ng Bangladesh, dahilan upang walang magamit na ID cards ang Bangladesh Road Transport Authority sa proyekto nitong lisensya sa pagmamaneho.
Inilantad din ni Marcos ang natanggap na stamps ng pamahalaan ng Kenya mula sa Madras na mahina umano ang kalidad.
Dahil mahina ang kalidad ng ginawa ng Madras para sa Kenya Bureau of Standards, lumaki ang suliranin nito sa ismagling.
Ito ang lumilitaw na mga malinaw na batayan ni Marcos upang pagdudahan ang kapasidad ng Madras – Mega Data na makagawa ng mga ID na mataas ang kalidad at matapos ito sa tamang petsa.
Gagamitin ng mga Filipino ang ID sa pakikipagtransaksyon nila sa bangko, pagkuha ng ayuda mula sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) ng Department Social Welfare and Development (DSWD) at iba pa batay sa nakasaad at ipinag-utos ng Republic Act 11055, o Philippine Identification System Act.
Naging batas ito noong Agosto 2018 makaraang lagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Napag-alaman ng SAKSI Ngayon na aabot sa P4.1 bilyon ang ilalabas na pera ng administrasyong Duterte sa susunod na taon para sa nasabing ID.
Ang P4.1 bilyon ay kasama sa P4.5 trilyong hinihinging badyet ni Pangulong Duterte sa Kongreso para sa 2021. (NELSON S. BADILLA)
238 