MISTULANG ‘inilaglag’ ni Dante Jimenez ang kasamahan niyang opisyal sa Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) na si Greco Belgica, makaraang manawagan ito sa mga kontraktor na ilantad ng mga ito ang mga kongresistang yumaman mula sa mga proyekto ng Department of Public Works and Highway (DPWH).
Nanawagan si Jimenez sa isang radio program noong Linggo, na ilantad ng mga kontraktor o mga kumpanyan na nakakuha ng mga proyekto sa DPWH, ang pangalan ng mga politikong nagpapatahimik sa kanilang ilabas ang mga pangalan ng mga kongresistang kumita at yumaman mula sa mga proyekto ng DPWH.
Inilabas din ni Jimenez na mayroong mga testigo ang PACC laban sa mga korap sa DPWH.
“In the coming days ay may mga witnesses na rin na lalabas diyan para mangumpisal sa taong bayan at sa ating pong Presidente [Rodrigo Duterte] kung sinu-sino po ang mga korap na mga politiko na involved dito po sa katiwalian — mga arrangements sa mga public bidding,” bulalas ni Jimenez.
Napakalayo nito sa ipinaputok ni Belgica, ilang araw na ang nakalilipas, na alam niyang mayroong mga kongresistang nagkapera sa mga proyekto ng DPWH.
Ngunit natakot naman si Belgica na isapubliko ang mga kongresistang korap.
Dahil dito, inakusahan siya ni ACT-CIS Party-list Rep. Eric Go Yap na “cover up” ang kanyang birada laban sa mga kongresista sa kasong isinampa laban sa kanya sa Office of the Ombudsman.
Sinampahan si Belgica ng kasong paglabag sa Republic Act 3019, o Anti-Graft and Corrupt Practices, ng siyam na empleyado ng Duty Free Philippines Corporation (DFPC) nang matiyak nilang tinanggal ni Belgica ang mga pangalan ng mga korap na opisyal ng DFPC.
Batay sa mga pahayag ni Jimenez, lumilitaw na walang rekord ang PACC ng mga kongresistang nagpayaman mula sa mga proyekto ng DPWH.
Posibleng ito ang dahilan kung bakit hindi nakapaglabas ng mga pangalan ng mga kongresista si Belgica nang hamunin siya ni Anakkalusugan Rep. Michael Defensor.
Kahit si Jimenez ay walang binanggit na kahit isang pangalan ng kongresista na nakinabang sa DPWH.
Ang sabi lang ng pinuno ng PACC: “traditionally, public works is an agency where corruption is so much institutionalized”.
Isa ang DPWH na pinamumunuan ni Secretary Mark Villar, na pinauuna ni Pangulong Rodrigo Duterte sa engrandeng imbestigasyon ng Department of Justice (DOJ) laban sa korapsyon sa buong pamahalaan. (NELSON S. BADILLA)
