CALOOCAN COVID CASES, UMAKYAT SA 11,564

MAKARAAN ang mahigit isang buwan, naglabas nang muli ng COVID-19 update ang Information Office ng pamahalaang lungsod ng Caloocan, at nakasaad sa ulat na 11,564 na ang positive cases at 309 na ang namatay.

Nakasaad sa ulat na may petsang Nobyembre 4, na 10,990 ang bilang ng mga nakarekober sa pandemya sa lungsod.

Bago ito, Oktubre 1 pa huling naglabas ng update sa pandemya ang Caloocan.

Sa nasabing petsa ay 8,998 pa lamang ang positive cases sa lungsod, 8,146 ang nakarekober at 250 pa lamang ang namatay.

Samantala, sa lungsod naman ng Valenzuela, ay nadagdagan ng tatlo ang bilang ng mga namatay sa pandemya noong Nobyembre 4 at umabot na sa 244 ang COVID casualties ng lungsod mula sa 241 noong nagdaang araw.

Ayon sa City Epidemiology and Surveillance Unit, mula sa 83 ay nadagdagan din ng dalawa ang active cases at naging 85.

Mula sa 7,826 ay naging 7,833 ang confirmed cases at naging 7,504 ang recovered cases mula sa dating 7,502. (ALAIN AJERO)

277

Related posts

Leave a Comment