PALAISIPAN sa mga awtoridad kung ano ang nag-udyok para magpakamatay ang isang 29-anyos na dalaga sa loob ng isang hotel sa Rizal Avenue, Sta. Cruz, Manila nitong Lunes ng umaga.
Natagpuang may laslas sa leeg ang wala nang buhay na biktimang si Ria Guevarra, ng Sta. Mesa, Manila.
Natagpuan sa tabi ng biktima ang surgical blade na hinihinalang ginamit nito sa paglaslas ng kanyang leeg.
Batay sa ulat na isinumite ni Det. Dennis Suba kay P/Capt. Henry Navarro, hepe ng Manila Police District-Homicide Section, bandang 7:30 ng umaga nang makatanggap ng tawag ang Homicide Section, hinggil sa insidente ng umano’y pagpapakamatay ng biktima.
Ayon sa imbestigasyon ni Det. Suba, dakong alas-5:00 ng hapon nitong linggo nang mag-isang nag-check-in ang dalaga sa Spring Hotel.
Dahil sa 12-oras lamang dapat mag-stay ang biktima, kinabukasan, dakong alas-5:00 ng umaga ay kinatok siya ng ilang staff ng hotel.
Ngunit hindi sumagot si Guevarra kaya minabuting gumamit ng duplicate key at nang mabuksan ang silid ay natagpuang duguan ang biktimang may laslas sa leeg.
Ayon sa mga kaanak ng dalaga, nagpaalam ang biktima na pupuntahan nito ang kanyang kaibigan sa Cubao, Quezon City.
Inakala ng kanyang mga kaanak na nagtuloy ito sa ospital kung saan naka-confine ang kanyang ama.
Patuloy na iniimbestigahan ng mga awtoridad ang insidente upang mabatid kung may foul play sa pagkamatay ng biktima. (RENE CRISOSTOMO)
