UMABOT na sa mahigit 50,000 katao ang naisalang sa libreng swab test na ipinagkaloob ng lokal na pamahalaan ng Maynila, nitong nakalipas na dalawang buwan.
Ito ang pinagmamalaking inanunsiyo ni Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso matapos maitala sa 114,820 ang sumailalim sa serology na inialok ng libre sa publiko sa pamamagitan ng drive-thru centers, walk-in centers o city mobile clinic na umiikot sa mga barangay na nairehistro na may mataas na kaso ng COVID-19.
Sa kabuuan, umabot na sa 50,330 ang na-swab test kaya nakatipid ng P3,000 hanggang P5,000 mga sumailalim rito, at kung sa express lanes naman ay maaring umabot sa P12,000 hanggang P13,000 ang bayarin.
Hanggang noong Biyernes, nakapagrehistro sa Maynila ang 52 bagong kaso, 657 na ang namatay, 417 ang aktibong kaso at 21, 978 ang nakarekober sa nasabing sakit.
Ayon pa sa alkalde, importanteng mahanap ang mga infected pero asymptomatic.
“Wag ninyong isipin na magaan sa Maynila pwede dun magpunta. Sa isa lang nagsimula ”yung 30 million na infected ngayon,” pahayag ni Yorme.
Patuloy na hinimok ni Moreno ang publiko na sundin ang health protocols para hindi mahawaan ng COVID-19. (RENE CRISOSTOMO)
166 