TINIYAK ni vaccine czar at NTF chief implementer Sec. Carlito GaLvez na hindi magagamit sa darating na 2022 elections ang gagawing pagbabakuna ng pamahalaan kontra COVID-19.
Ayon kay Presidential spokesperson Harry Roque, sinabi ni Sec. Galvez, na ito ang dahilan kung bakit nagtalaga si Pangulong Rodrigo Roa Duterte ng mga opisyal na walang halong pamumulitika ang pagbibigay serbisyo sa bayan lalo na ngayong panahon ng pandemiya.
Aniya, walang ibang gusto ang Chief Executive kundi ang makatulong sa kapwa at tuluyang mapigilan ang pagtaas ng kaso ng COVID-19 infection sa bansa.
Alam at nakikita aniya ng Punong Ehekutibo ang paghihirap ng mga tao dahil sa virus kung saan marami na ang binawian ng buhay.
Giit pa ni Sec. Galvez, walang ibang hangad ang administrasyon ni Pang. Duterte kundi ang magtagumpay ang adhikain nitong matapos o matuldukan na ang matinding problema na kinakaharap ng mundo dahil sa pandemya.
Kung titingnan, ayon kay Sec. Galvez, ang vaccination roadmap ng gobyerno laban sa virus ay malinaw na aabutin ito ng tatlo hanggang limang taon na lampas pa aniya sa 2022 Presidential elections. (CHRISTIAN DALE)
210 