Full disclosure hirit ng QC CESU PAGLOBO NG COVID CASES SA KONGRESO BINABANTAYAN

KINALAMPAG ng Quezon City Epidemiology and Surveillance Unit ng Quezon City (QC-CESU) ang pamunuan ng House of Representatives na isumite sa kanila ang kumpletong listahan ng covid cases nito.

Kaugnay ito ng isinasagawang pagsisiyasat ng QC-CESU kasunod ng pagtatala ng mahigit 40 kaso ng COVID-19 sa Kamara.

Ayon sa QC-CESU, hindi dapat naaantala ang pagsusumite ng ulat ng Kamara dahil malinaw sa batas na walang exempted at dapat agaran ang pagsusumite ng mga kaso ng covid.

Ayon kay Quezon City-CESU Director Dr. Rolly Cruz, ang mahigit 40 cases na kanilang naitala ay pawang naninirahan sa Batasan at kalapit na barangay at ang workplace na kanilang inilagay ay sa Kamara.

“Sa mga cases na hawak namin sinasabi nila na nakuha nila ang virus sa loob ng Kamara, sa mismong pinagtatrabahuhan nila, kaya ito ngayon ang aming iniimbestigahan kung paanong nagkahawahan,” pahayag ni Cruz.

Inamin ni Cruz na dahil pending ang report ng Kamara kaya nahihirapan silang i-trace kung ilan ang tunay na kaso. Aniya, kahit nagsasagawa na sila ng contact tracing ay nagiging limitado lang din dahil sa kawalan ng full disclosure mula sa Kamara.

Sa tanong kung masasabing outbreak na ang covid cases sa Kamara at maaaring ipasara ang tanggapan, sinabi ni Cruz na kanila itong ii-evaluate sa oras na makuha nila ang nasabing report.

Lumalabas na may batayan ang naging tahasang pagtuligsa ng mga kawani ng Kamara kina House Speaker Lord Allan Velasco, Deputy Speaker at 1Pacman Partylist Rep Mikee Romero, Diwa Partylist Rep. Mike Aglipay at House Secretary-General Dong Mendoza na lumabag sa quarantine protocol dahil mataas ang covid cases sa mababang kapulungan.

Ang mga House leader ay may direktang exposure kay TESDA Director Isidro Lapeña na nagpositibo sa virus dahil magkakasama silang dumalo sa isang dinner meeting na nakita pa sa larawan na wala silang suot na face mask.

Ikinatwiran ni Romero na nagnegatibo sila sa isinagawang COVID test, gayunman, malinaw sa health guidelines ng Department of Health (DoH) na kahit negative sa test ay dapat pa ring sumailalim sa 14-day quarantine.

Ipinaliwanag ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire na kailangan ang quarantine sa mga may direct exposure sa isang covid patient kahit pa man nagnegatibo sa test dahil ang virus ay maaaring mag-develop sa pagitan ng dalawa hanggang 14 araw pagkatapos ng exposure.

Ayon sa report, kasama ng mga House Leader sa isang dinner sa Shangri-La Taguig si Lapeña at iba pang Philippine Military Academy Alumni noong Nobyembre 19 at makalipas ang dalawang araw ay nagpositibo sa virus si Lapeña subalit hindi nag-quarantine ang mga House leader at noong Nobyembre 24 ay pinangunahan pa nina Velasco at Romero ang hearing ng Kamara sa epekto ng Bagyong Ulysses at Nobyembre 25 ay makikita sa website ng Kamara na tumanggap pa sila ng courtesy call mula kina Labor Secretary Silvestre Bello at PNP Chief Debold Sinas.

Bukod sa quarantine ay nilabag din umano ng mga House leader ang guidelines ng DoH-IATF na nagtatakda na hanggang 10 katao lamang ang gathering. Nabatid na bukod sa 5 House leaders at si Lapeña ay kasama tin sa dinner meeting sina Defense Secretary Delfin Lorenzana, Information Secretary Gregorio Honasan, Environment Secretary Roy Cimatu, National Security Adviser Hermogenes Esperon, National Task Force Against COVID-19 Chief Carlito Galvez at Social Welfare and Development Secretary Rolando Bautista.

Hindi naman maikubli ng mga staff ng Kamara ang galit kina Romero at Velasco na naglalagay sa panganib sa kalusugan ng lahat.

“Alam nila na exposed sila, kung gusto nilang umattend sa hearing ay pwede naman through zoom, nakakalungkot dahil relax na relax ang pag-obserba sa health protocols mismo ng mga lider ng Kamara,” ayon sa isang kawani.

Aminado ang mga kawani na bulag sila sa covid cases sa Kamara dahil walang regular reporting na nangyayari at walang transparency.

Hindi naman maitago ng mga ito na maikumpara ang full transparency sa paghawak ng covid cases sa panahon ni dating House Speaker Alan Peter Cayetano na laging may update si dating House Secretary-General Jose Luis Montales kaya ang resulta ay aware ang mga kawani kung mayroong exposure sa nagpositibo sa virus at sila na mismo ang nagse-self quarantine.

“Informed ang lahat noon, ang media, mga employees, nasusunod ang protocols para sa proteksyon ng lahat. Ngayon bulag kami kaya lumobo ang cases ngayon, mismong mga lider na exposed sa virus baka sila pa ang nakapanghawa,” diit pa ng isang kawani.

Samantala, kinumpirma ni Sorsogon Rep. Evelina Sorsogon na nagpositibo siya sa covid noong nakaraang buwan at ipinagbigay-alam nya ito kay Speaker Velasco ngunit ang impormasyon na ito ay hindi rin nai-report sa media.

Ipinaliwanag ni Escudero na asymptomatic at maaari na nagkaroon ng false-negative sa kanyang test subalit para makiguro ay nag-self quarantine pa rin ito. Si ACT-CIS Rep. Nina Taduran ay napabalita ring positibo sa covid ngunit hindi pa ito nagbibigay ng opisyal na pahayag.

185

Related posts

Leave a Comment