P4.506 TRILLION 2021 NATIONAL BUDGET APRUB NA

INAPRUBAHAN na kahapon sa Bicameral Conference Committee ang 2021 General Appropriation Act (GAA) o national budget na nagkakahalaga ng P4.506 Trillion kaya nawala na ang pangambang madedelay ito tulad ng nangyari noong 2018 budget.

Agad niratipikahan ngayong araw ng mababang kapulungan ng Kongreso ang pambansang pondo at inaasahan na irerehistro agad sa Office of the President para mapirmahan ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Sa huling pulong nina House appropriation committee chairman Rep. Eric Yap at Senate Finance committee chairman Sen. Juan Edgardo “Sonny” Angara, nilagdaan na ang bicameral conference committee report sa pambansang pondo.

Isa sa pangunahing pagbabago sa inaprubahang pondo ay binuhusan ng P72.5 Billion ang pambili ng COVID-19 vaccine na mas malaki kumpara sa P2.5 Billion na unang ipinanukala ng Malacanang.

Dahil dito, umaabot na sa P82.5 Billion ang pondong gagamitin sa paglaban sa COVID-19 kasama na ang P10 Billion Bayanihan 2 na unang pinagtibay ng dalawang Kapulungan.

Sa kabuuan, P1.1 Trillion sa nasabing pondo ay gagamitin sa pagpapatayo ng iba’t ibang imprastraktura sa buong bansa habang ang natitira ay para sa pagpapasahod sa mga empleyado ng gobyerno, edukasyon, kalusugan at iba pa.

Nangunguna pa rin ang Education Sector sa 10 ahensya na may pinakamataas na pondo sa susunod na taon dahil umaabot sa P708.2 Billion ang kanilang budget na inaprubahan ng dalawang Kapulungan.

Sumunod ang Department of Public Works and Highways (DPWH) na binigyan ng P694.8 Billion; Department of Interior and Local Government (DILG), P247.5 Billion; Department of National Defense (DND), P205.4 Billion; Department of Social Welfare and Development (DSWD), P176.7 Billion at Department of Health (DOH), P134.9 Billion.

Umaabot din sa P87.5 Billion ang pondong ibinigay sa Department of Transportation (DOTr); P68.6 Billion sa Department of Agriculture (DA), P44 Billion sa Judiciary at P36.6 Billion sa Department of Labor and Employment (DOLE). (BERNARD TAGUINOD)

157

Related posts

Leave a Comment