PAMAHALAAN at mga kapitalista ang dapat sumagot sa hulog ng mga manggagawa sa Social Security System (SSS).
Ganito ang posisyon ng Partido Manggagawa (PM) sa kagustuhan ng SSS na ituloy ang 13 porsiyentong umento sa buwanang hulog ng mga manggagawa sa pondo ng kanilang pensiyon.
“No increase sa time na ito. Wala ngang trabaho ang mga tao ngayon. Kung gusto [ng SSS] ng increase, sagutin ng kapitalista at estado,” banggit ng tagapagsalita ng PM na si Wilson Fortaleza.
Reaksiyon ito ni Fortaleza nang tanungin ng SAKSI Ngayon hinggil sa plano ng SSS na ituloy ang 13 porsiyentong pagtaas sa buwanang hulog ng mga manggagawa sa SSS.
Ang umento ay batay sa Republic Act 11199, o Social Security Act of 2018.
Ang layunin ng umento ay upang madagdagan ang pondo ng SSS at humaba ang buhay ng nasabing pondo, ayon sa SSS.
Binanggit ni Fortaleza ang ibinalita ng Philippine Statistics Authority (PSA) na milyun-milyong Pilipino ang nanatiling walang trabaho nitong ikatlong kwarter ng 2020.
Ayon sa PSA, mahigit sa walong porsiyento ng mga manggagawa ang walang trabaho mula sa mahigit 14% noong Hulyo.
Marami sa mga manggagawang nawalan ng trabaho ay tumigil sa paghahanap ng trabaho dahil walang mapasukang kumpanya, ayon sa PSA.
Batay sa Department of Trade and Industry (DTI) at Department of Labor and Employment (DOLE), napakaraming kumpanya sa Micro, Small and Medium Enterprises (MSMEs) ang nagsara dulot ng COVID-19 mula ikalawa hanggang ikatlong kwarter ng taon.
Kahit ginagawa ng DOLE ang paraang upang magkaroon ng trabaho ang maraming Pilipino sa bansa at sa abroad ay hindi pa rin matiyak ni DOLE Secretary Silvestre Bello III na “tapos na” ang problema sa malaganap na kawalan ng trabaho sa susunod na taon.
Pero, inihayag ng SSS sa media na tuloy ang umento sa buwanang ibinabayad ng mga manggagawa.
Sabi ni Fortaleza: “Okey lang sana ‘yang [umento] dahil increase sa premium means increase in benefits [ng mga manggagawa]. Pero, mas dapat employer na sumagot n’yan. Or subsidy from [the] government kung gusto nitong tulungan ang workers”. (NELSON S. BADILLA)
202
