DEAD on arrival sa pagamutan ang isang lady lawyer nang tambangan ng riding in tandem killers sa Danao City, hilagang bahagi ng Cebu noong Huwebes.
Ayon sa imbestigasyon, sakay ang biktimang si Atty. Baby Maria Concepcion Landero-Ole ng kanyang pick-up truck sa kahabaan ng national road sakop ng Barangay Looc, nang paulanan ng bala ng hindi pa kilalang mga suspek bandang alas-2:00 ng hapon.
Si Atty. Landero-Ole na residente ng Barangay Taboc, Danao City, ay ikalawang abogado na pinaslang sa lalawigan ng Cebu sa loob lamang ng halos isang buwan
Lumilitaw sa imbestigasyon, papuntang Cebu City ang abogada nang pagbabarilin ng mga suspek.
Ayon kay P/Maj. Theresa Macatangay, hepe ng Danao City PNP, kasalukuyan pa nilang inaalam ang posibleng motibo sa pamamaslang at pagkakakilanlan ng mga suspek.
Agad na kinondena ng Integrated Bar of the Philippines (IBP) Cebu City Chapter, ang nangyaring pagpatay kay Landero-Ole.
Nabatid na unang pinaslang ang asawa ni Ole noong Mayo makaraang makalaya ito sa pagkakakulong.
Unang naitala ang pagkamatay ni Atty. Joey Luis Wee na pinagbabaril sa labas ng kanyang law office sa Barangay Kasambagan, Cebu City noong Nobyembre 23. (JESSE KABEL)
