INIHAYAG ng pamunuan ng Armed Forces of the Philippines at maging ng Philippine National Police na mayorya ng kanilang mga tauhan ang isasabak kaugnay sa mga posibleng suliranin, balakid o banta sa nakatakdang rollout ng coronavirus vaccine.
Una nang inihayag ni Lt. Gen. Cirilito Sobejana, ang bagong talagang chairman ng Joint Chief of the Armed Forces of the Philippines na halos 75 percent ng kanilang puwersa ang pakikilusin para sa pangangalaga sa seguridad ng COVID-19 vaccine kabilang ang mga inoculation team at iba pang medical practitioners.
Ayon kay Ltgen Sobejana, dahil strategically deployed ang buong puwersa ng AFP ay malaki ang support roles na kanilang gagampanan partikular sa transport and delivery ng mga bakuna sa storage facilities at paghahatid sa vaccination sites.
Pahayag pa ng heneral na responsibilidad nilang tulungan ang Department of Health sa distribution at paghahatid ng bakuna lalo na sa malalayong probinsiya bukod sa pangangalaga sa mga health worker na magsasagawa ng COVID-19 inoculation at maging ang sambayang Pilipino na tatanggap ng bakuna.
Samantala, inihayag ni PNP ASCOTF Commander Lt. Gen. Guillermo Eleazar, nakalatag na ang kanilang plano kaugnay sa vaccination rollout.
Una nang inihayag ni PNP chief Gen. Debold Sinas na handa ang PNP sa pagbibigay seguridad sa vaccination rollout.
Bukod sa mga police personnel, idi-deploy rin ng PNP ang kanilang medical reserve force para tumulong sa pag-assist sa health workers sa pagbibigay ng bakuna sa mga recipient.
Ayon kay PNP Spokesperson BGen. Ildibrandi Usana, 70% ng kanilang pwersa ang inatasang magsilbing security escort at i-secure ang COVID-19 vaccines kasama na ang mga medical personnel. (JESSE KABEL)
228 