(BERNARD TAGUINOD)
LUMALABAS na wala talagang puhunan ang pamilya Lopez para makautang sa pera ng taumbayan sa Development Bank of the Philippines (DBP) ng mahigit P1.6 billion na kalaunan ay pinatawad o hindi pinabayaran ng nasabing bangko.
Tulad ng kasabihan, ‘laway lang ang puhunan’ ng nasabing pamilya.
Ito ang pagsusumang ginawa ni Anakalusugan party-list Rep. Mike Defensor sa pagdinig ng House committee on good government and public accountability sa mga pautang ng DBP na kanilang ni-write off na aabot sa mahigit P9 billion kasama na ang utang ng pamilya Lopez.
Sa interpelasyon ni Defensor, inamin ni Atty. Soraya Adiong, first vice president ng DBP na walang collateral ang mga Lopez nang mangutang sa nasabing bangko para sa kanilang mga dating kumpanya tulad ng BayanTel, Maynilad at Sky Cable na aaabot ng mahigit P1.6 billion.
“Wala sir, not in specific property,” ani Adiong sa pagtatanong ni Defensor kung nagbigay ng collateral ang pamilya Lopez bago ibinigay o inaprubahan ang inutang na halaga sa DBP.
“Parang sinasabi niyo, may kumpanya si Congressman (Rodante) Marcoleta dahil nakita nyong mayaman, yung pirma nya sapat na para pautangin sya?,” tanong ni Defensor na sinagot naman ni Adiong ng “yes, sir”.
May kongresista namang nagsabi na “hindi naman laway, face value” na inayunan din ni Defensor at sinabing “tinagalog ko lang Mr. Chairman” habang ang iba naman ay nagsabi na character loan ang nangyari.
“I apologize sa members. Face value maybe the correct term,” ayon pa kay Defensor subalit hindi aniya ito makatarungan dahil kapag ordinaryong mamamayan ang nangutang sa bangko ay hinihingan muna ng collateral.
Kahit aniya sa pawnshop ay hindi makakautang ang mga tao kung hindi magbibigay na collateral tulad ng singsing o anomang alahas.
CONTEMPT SA DBP
Namumuro namang ma-contempt ang pamunuan ng DBP dahil sa suspetsa na sinasadya ng mga ito na huwag ibigay ang lahat ng mga dokumento ukol sa mga utang ng mga Lopez na kanilang pinatawad.
“Gusto kong malaman kung may deliberately effort to conceal, na itago yung mga isyung ito,” ani Defensor dahil sinasabi ng DBP na wala na sa kanila ang mga hinihinging dokumento subalit may kopya ang Kongreso.
Kung hindi aniya ibubuhos ng DBP ang lahat ng dokumento na kailangan ay mapipilitan ito na ipa-contempt ang mga opisyal ng nasabing bangko.
Inayunan naman ito nina Deputy Speaker Johnny Pimentel at Pampanga Rep. Aurelio Gonzales matapos aminin ni DIWA party-list Rep. Michael Edgar Aglipay na paisa-isang ibinibigay ng DBP ang mga hinihinging dokumento.
208 