KINUMPIRMA ni Senador Bong Go na una nang sasalang sa COVID-19 vaccination program sina Vaccine Czar Secretary Carlito Galvez, Health Secretary Francisco Duque III at Deputy Chief Implementer against COVID-19 Vince Dizon.
Sinabi ni Go na Lunes ng umaga ay magpapabakuna ang tatlong opisyal kasabay ng ilang grupo ng healthworkers.
“Bago pa darating ang AstraZeneca ay nakapagdesisyon na po sina Sec. Galvez, Sec. Duque, at Sec. Dizon na magpapabakuna na sila bukas (March 1). Si Sec. Galvez sa PGH; si Sec. Dizon sa Dr. Jose Rodriguez Memorial and Medical Center at si Sec. Duque dyan sa Lung Center. So sabay-sabay po ito along with some other frontliners,” diin ni Go.
Nangangahulugan ito, ayon kay Go na Sinovac ang ituturok na bakuna sa mga opisyal dahil Lunes pa ng tanghali ang dating ng suplay ng AstraZeneca.
Binigyang-diin ng senador na layon nitong makumbinsi ang taumbayan para magpabakuna dahil ito lamang ang solusyon upang unti-unting makabalik sa normal ang pamumuhay sa Pilipinas.
Hinihintay naman anya nila ang payo ng doktor ni Pangulong Rodrigo Duterte kung anong bakuna ang gagamitin na naaakma sa edad at kalusugan ng punong ehekutibo bago magpabakuna ‘in public’. (DANG SAMSON-GARCIA)
163 