Maliban sa NCR PNP IBINABA SA HEIGHTENED ALERT BUONG BANSA

IBINALIK ng Philippine National Police (PNP) sa heightened alert ang buong bansa, ngunit nananatiling nasa full alert ang National Capital Region (NCR) habang patuloy na binabantayan ang pro-Marcoleta rally na sinuportahan ng Iglesia Ni Cristo (INC).

Kinumpirma ni PNP Public Information Office Chief PCol. Allen Rae Co ang pagbaba ng alert status matapos itaas sa full alert noong Miyerkules.

Gayunman, nananatiling naka-full alert ang NCR dahil sa nagpapatuloy na kilos-protesta ng mga tagasuporta ni Senador Rodante Marcoleta.

Matapos bawiin ng Quezon City government ang permit para sa rally, inilipat ng mga demonstrador ang kanilang pagtitipon sa Liwasang Bonifacio sa Maynila upang ipagpatuloy ang panawagan ng accountability at suporta kay Marcoleta kaugnay ng umano’y nalalapit na pag-aresto sa kanya.

Nanawagan naman si PNP Chief General Jose Melencio Nartatez Jr. sa mga organizer ng rally na igalang ang mga kautusan ng lokal na pamahalaan at tiyaking mapayapa ang kanilang pagtitipon.

Hinimok din niya ang mga raliyista na maayos na lisanin ang venue at tumulong sa pagpapanumbalik ng kaayusan matapos ang programa.

Tiniyak ng PNP na sapat ang ipapakalat nitong mga tauhan upang mapanatili ang kaayusan, maprotektahan ang karapatan ng mga raliyista, at mabawasan ang epekto ng kilos-protesta sa mga motorista, commuter at mga estudyante.

Binigyang-diin ni Nartatez na mahigpit na ipatutupad ng PNP ang batas sa anumang pagtitipong walang kaukulang permit.

MDRRMO Naka-Red Alert

Isinailalim ng Manila Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) sa red alert status ang buong puwersa nito kasunod ng paglipat ng pro-Marcoleta rally sa Liwasang Bonifacio sa Ermita, Maynila.

Ayon kay MDRRMO Director Arnel Angeles, inilagay sa pinakamataas na antas ng alerto ang lahat ng kanilang emergency response units upang matiyak ang kahandaan sa anomang insidente.

Kabilang sa naka-full standby ang Emergency Medical Services personnel, operations team at iba pang kagamitan na maaaring kailanganin sa lugar.

Maglalagay rin ang MDRRMO ng mga portable toilet upang magamit ng mga raliyista at mapanatiling malinis ang paligid.

Ang Liwasang Bonifacio ay itinuturing na freedom park kung saan maaaring magsagawa ng public assembly nang hindi na kinakailangan ng permit mula sa lokal na pamahalaan.

Inilipat ang rally sa Maynila matapos bawiin ng Quezon City government ang permit para sa naunang lugar ng pagtitipon dahil sa matinding trapiko at public disruption na idinulot ng mga nakaraang kilos-protesta.

(JESSE RUIZ)

46

Related posts

Leave a Comment