PBBM NANGAKONG PANATILIHIN ECONOMIC GAINS NG BANSA

NANGAKO si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na pananatilihin ng pamahalaan ang momentum ng paglago ng ekonomiya matapos makamit ng Pilipinas ang upper-middle income country (UMIC) status.

Ayon sa Pangulo, patunay ang bagong klasipikasyon ng pagiging matatag ng ekonomiya sa kabila ng mga pandaigdigang hamon at bunga ito ng mga repormang ipinatupad ng administrasyon.

“Greater confidence means more investments. More investments mean more businesses, better quality jobs and more opportunities for Filipino families,” ani Pangulong Marcos.

Binigyang-diin ng Pangulo na ang pag-unlad ng ekonomiya ay dapat maghatid ng konkretong benepisyo sa bawat pamilyang Pilipino at tiniyak na ipagpapatuloy ng administrasyon ang mga repormang magpapalakas sa ekonomiya.

Nauna nang kinumpirma ng World Bank ang pag-angat ng Pilipinas sa UMIC matapos umabot sa $4,850 ang gross national income (GNI) per capita ng bansa, mas mataas sa itinakdang $4,636 threshold.

Ayon sa Department of Economy, Planning, and Development (DEPDev), bunga ito ng tuluy-tuloy na paglago ng ekonomiya, matatag na macroeconomic management, at mga long-term structural reforms.

Samantala, sinabi ni Executive Secretary Ralph Recto na ang bagong katayuan ay patunay ng mas matatag na economic fundamentals ng bansa.

“Hindi lang ito titulo. Ibig sabihin nito, mas lumalago ang ekonomiya natin, mas dumarami ang trabaho, at mas maraming investors ang nagtitiwala sa Pilipinas,” ani Recto.

Gayunman, iginiit niyang ang tunay na sukatan ng tagumpay ay kung mararamdaman ng bawat pamilyang Pilipino ang pag-unlad ng ekonomiya sa kanilang pang-araw-araw na buhay.

(CHRISTIAN DALE)

67

Related posts

Leave a Comment