HUMILING ng pambansang panalangin ang House prosecution panel para sa nalalapit na impeachment trial ni Vice President Sara Duterte na magsisimula sa Hulyo 6.
Sa isinagawang “Mass for Truth, Justice, and Accountability” sa Chapel of the Nativity ng Immaculate Conception Cathedral sa Cubao, Quezon City, nanawagan si Lead Prosecutor at House Committee on Justice Chair Gerville Luistro ng suporta at panalangin para sa paglilitis.
“Join us as we pray for the conviction of the respondent in this impeachment trial,” ani Luistro.
Pinasalamatan din niya ang Simbahan sa patuloy nitong suporta at hinikayat ang publiko na samahan ang prosecution panel hanggang sa pagtatapos ng paglilitis.
“Please walk with us. Please join us. Please be with us until the conclusion of this impeachment trial,” dagdag niya.
Dumalo rin sa misa ang iba pang miyembro ng House prosecution panel kabilang sina Representatives Leila de Lima, Lorenz Defensor, Joel Chua, Ysabel Maria Zamora at Kaka Bag-ao, gayundin ang mga private prosecutors na sina Lorna Kapunan at Marforth Fua.
Inamin ni Luistro na may mga limitasyon ang prosecution panel, ngunit naniniwala siyang higit na makapangyarihan ang suporta at panalangin ng sambayanan.
Nanawagan din siya na ipagdasal hindi lamang ang prosecution panel kundi maging ang defense team, mga senator-judges, at ang buong bansa.
Samantala, plano ng House prosecution panel na kumuha ng mga translator sa mga pangunahing wikang Pilipino tulad ng Bisaya, Hiligaynon at Bicolano upang mas malinaw na maipaliwanag sa publiko ang takbo ng impeachment trial.
Ayon kay House prosecution panel spokesperson at impeachment adviser Robert Ace Barbers, layunin nitong gawing mas madaling maunawaan ng mga Pilipino ang mga legal at procedural na usapin ng impeachment.
“Plano naming ipaliwanag ang proseso sa iba’t ibang wika para mas maraming Pilipino ang makaintindi at hindi mabiktima ng maling impormasyon,” ani Barbers.
Hinimok din niya ang publiko na direktang subaybayan ang impeachment trial sa halip na umasa lamang sa mga impormasyon sa social media.
Samantala, iginiit ni House prosecution panel spokesperson Zia Adiong na walang dahilan upang maantala ang pagbubukas ng impeachment trial sa Hulyo 6 sa kabila ng mga ikinakasang kilos-protesta kaugnay ng hiwalay na kaso ni Senador Rodante Marcoleta.
Ayon kay Adiong, nakatutok ang prosecution panel sa mga direktiba ng Senado at maayos na umuusad ang lahat ng paghahanda para sa paglilitis.
(TINA MENDOZA)
44 