Suspek sa pagpatay sa pulis BATA NI MAYOR TINUTUGIS

“ISUSUKO namin siya.” Ito ang tugon ni Rosario Mayor Voltaire Ricafrente hinggil sa tinutugis na bodyguard nito na suspek sa pagpatay kay Patrolman Jerome Carlo Pamaran ng Bacoor City Police, dahil sa simpleng away at sumbong ng pamangkin nito na nauwi sa madugong komprontasyon noong Biyernes ng gabi.

Ayon kay kay P/Lt. Colonel Joewie Lucas, hepe ng Rosario Police, tiniyak ni Mayor Ricafrente na isusuko nito si Antonio Perea, alyas “Tonifer,” nasa hustong edad.

“Basta nakuha namin ang exact address ng kinaroonan niya (suspek), isusuko namin siya,” pahayag umano ni Mayor Ricafrente, ayon sa ulat ni Lucas na personal na nagtungo sa bahay ng alkalde.

Kasalukuyang pinaghahanap ng pulisya ang suspek na si Tonifer at pamangkin nito na si Earlo John Perea, alyas “Kokoy,” ng Brgy. Ligtong 1, Rosario, Cavite.

Ang dalawa ay suspek sa pagpatay kay Patrolman Pamaran at pagkakasugat sa tatay nito na si Jose Edgardo Pamaran, 54, kapwa residente ng Brgy. Ligtong 2.

Nabatid kay Lucas, nasa mabuti nang kalagayan ang ama ng napatay na pulis ngunit kasalukuyan pang nasa ospital.

Magugunitang dakong alas-8:20 ng gabi noong Biyernes nang mangyari ang insidente dahil sa sumbong ni Kokoy sa tiyuhin na si Tonifer na nauwi sa pagkamatay ng pulis.

Samantala, inaresto naman ang isa sa security personnel ni Mayor Ricafrente na nakatalaga sa kanilang bahay.

Si Mario Merano, alyas “Ayong,” 45, binata, security personnel sa bahay ni Ricafrente, ay binitbit sa Bacoor City Police, dakong alas-4:00 ng madaling araw noong Sabado dahil sa pagdadala nito ng baril na walang dokumento.

Ayon sa ulat, nang magtungo ang mga awtoridad sa bahay ni Ricafrente sa Posta Verde, Rosario, Cavite dakong alas-11:30 ng gabi noong Sabado, nakita si Merano na armado kaya hinanapan ito ng dokumento ng kanyang .45 kalibreng baril.

Gayunman, walang naipakita ang suspek kaya agad siyang inaresto ng mga awtoridad. (SIGFRED ADSUARA)

392

Related posts

Leave a Comment