WALA pang 33% sa staff ng Caloocan City Medical Center (CCMC) ang pumayag magpabakuna ng CoronaVac, ang COVID-19 vaccine na gawa ng Sinovac.
Isang araw bago ang nakatakdang vaccination rollout sa nasabing ospital na nakatakda sa Marso 5, nabatid kay CCMC Administrator Dr. Fernando Santos, sa kabuuang 457 hospital staff, 149 lamang ang pumayag na magpabakuna ng Sinovac vaccine, o 32.6%
Gayunpaman, tiwala ang administrador na dadami ang magpapaturok kapag mayroon nang mga naunang magpabakuna
“Inaasahan natin na tataas pa ang bilang ng mga papayag magpabakuna kapag may mga nabakunahan na sa hanay ng ating mga health worker,” ani Dr. Santos.
Nasa 300 doses ng bakuna ang inaasahang darating noong Marso 4 sa CCMC para sa pagsisimula ng vaccination rollout.
Nagsagawa ng pre-assessment ang vaccination team ng CCMC sa mga staff nito na pumayag magpabakuna base na rin sa direktiba ni Mayor Oscar Malapitan na tiyaking handa ang lahat at magiging maayos ang monitoring para sa mga kawani na babakunahan. (ALAIN AJERO)
