MANANATILI ang Metro Manila sa general community quarantine (GCQ) sa kabila ng pagdami ng mga pasyente ng COVID-19 sa ilan sa mga lungsod nito.
Ito ang napagkaisahan ng Department of Health (DOH), Metro Manila Council (MMC) at Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) nitong nakalipas na linggo, ayon kay DOH Spokesperson Maria Rosario Vergeire.
Hindi pumayag ang DOH sa kahilingan ng MMC at MMDA na maglunsad ng higit na istriktong GCQ na ang kahulugan ay mas mataas ang antas kumpara sa ilang buwan na ring umiiral na GCQ sa NCR, patuloy ni Vergeire.
Nagpulong ang mga opisyal ng DOH, MMC at MMDA makaraang kumpirmahin ng DOH na bumilis ang paglaki ng bilang ng South African at United Kingdom variants ng coronavirus disease-2019 (COVID-19) sa MM.
Isa ang SAKSI Ngayon sa mga nagbalita nitong Sabado na tumaas sa 58 ang South African variant sa bansa mula sa anim nang magsimula ito noong Marso 2.
Ayon sa DOH, 41 sa 58 pasyente ay mga residente sa MM.
Lumobo naman sa 118 ang biktima ng UK variant sa bansa, iniulat ng DOH.
Mayroong 28 mula sa 118 na mga naninirahan sa MM, ayon sa DOH.
Isinapubliko naman ng OCTA Research na pumapalo sa 900 ang tinatamaan ng COVID-19 araw-araw sa MM.
Tinumbok ng OCTA na pinakamataas ito kumpara sa nakalipas na anim na buwan.
Sa kabilang banda, naniniwala ang pamunuan ng National Economic and Development Authority (NEDA) na sa Abril o Mayo, ay ilalagay na ang MM at walo pang rehiyon at lalawigan sa “modified GCQ” upang tuluyan nang sumigla at sa kalaunan ay makabawi ang bagsak na ekonomiya. (NELSON S. BADILLA)
