GOBYERNO BINALAAN SA DOFIL

DAPAT mag-ingat ang pamahalaan sa pagsusulong na magtatag ng Department of Filipinos Overseas (DOFil) gayong hindi pa nareresolba ang mga isyung posibleng makahadlang sa pagiging epektibo ng operasyon nito bilang Cabinet-level agency.

Ito ang babala ni Senador Imee Marcos kung saan kabilang sa mga isyung tinukoy nito ang kakarampot na badyet sa gitna ng COVID-19 pandemic, kawalan ng specialized training para sa mga magiging opisyal at mga tauhan ng DOFil, gayundin ang magkakaparehong tungkulin at programa na hindi pa rin naaayos sa mga ahensya ng gobyerno.

“Hindi ako kontra sa bago at hiwalay na ahensya ng gobyerno para sa nagkakagulong mga OFW, pero hindi ganon kadali ang pagtatayo ng napakalaking departamento at hindi rin ito magic na agad-agad malulutas ang mga problema at hinaing ng ating mga OFW. Isa pa, walang Php1.1 bilyon na bubunutin na lamang sa hangin,” ani Marcos.

Matatandaang inihayag ng Department of Budget and Management sa hearing ng Senado noong Pebrero na hindi pa sakop ng Php1.1 bilyon na minimum budget na kailangan sa pagtatayo ng DOFil ang mga programa ng nasabing departamento.

Isinusulong ni Marcos ang isang alternatibo sa DOFil na “mas matipid at tama lang ang laki” sa kanyang Senate bill 407 na nagpapanukalang magtayo ng National Overseas Employment Authority (NOEA) na sasaklaw sa POEA, Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) at iba pang OFW service offices sa DFA, DOLE, at DSWD.

Naniniwala si Marcos na ang pagpapanatili sa POEA bilang isang independent na ahensya at hindi pagsasailalim sa DOFil ay magiging “malaking bulilyaso” sa pagtulong sa ating mga biktimang OFW. (NOEL ABUEL)

159

Related posts

Leave a Comment