Sa madugong PNP-PDEA shootout NASAAN ANG SHABU?

(NELSON S. BADILLA)

LABINDALAWANG araw mula nang ipahawak ni Pangulong Rodrigo Duterte ang imbestigasyon hinggil sa madugong barilan ng mga tauhan ng Quezon City Police District (QCPD) at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) habang isinasagawa ang umano’y “buy-bust operation” sa Quezon City noong Pebrero 24 ay wala pa ring lumabas sa imbestigasyon tungkol sa methamphetamine hydrochloride na siyang isyu ng operasyon.

Sa mga naunang ibinalita sa mga news program sa telebisyon at pahayagan mula sa iba’t ibang sources, tinukoy lamang ang mga pangalan ng mga tauhan ng QCPD at PDEA na nakapalibot sa kotseng puti na siyang pinagsimulan ng barilan.

Nabanggit din ang apat na namatay sa panig ng QCPD at PDEA.

Naituro rin ang “babaeng asset” na mayroong dalang itim na bag na naglalaman ng “pekeng pera” na gagamitin umanong buy-bust money.

Bukod diyan, nabanggit din sa media ng tagapagsalita ng NBI na si Atty. Ferdinand Lavin na ibinigay na sa NBI ng QCPD at PDEA ang mga baril na ginamit sa engkuwentro ng dalawang pangkat, cellular phones at iba pang posibleng makuhaan ng ebidensya ng mga imbestigador ng NBI hinggil sa buong itsura ng madugong operasyon laban sa ilegal na droga.

Sinabi rin ni Lavin na hindi pa natatanong ang lahat ng sangkot sa barilan dahil ilan sa kanila ay “in shock” sa madugong barilan.

Sa lahat ng panayam ng mamamahayag sa NBI simula noong Pebrero 26 ay walang nabanggit si Lavin tungkol sa methamphetamine hydrochloride o shabu, na siyang “kalakal” na bibilhin ng poseur buyer ng QCPD, partikular ng District Special Operations Unit (DSOU) o ng PDEA, sa pusher na kausap nila.

Ayon sa mga beteranong police reporter, napakahalaga ang isyu hinggil sa shabu sapagkat parehong idineklara ng QCPD at PDEA na buy-bust operation ang naganap noong Pebrero 24.

Matatandaang ilang oras matapos ang engkuwentro noong Pebrero sa parking area ng McDonald’s sa tabi ng Ever Gotesco Mall sa Commonwealth Avenue, Quezon City ay idiniin ng QCPD na mayroon itong buy-bust operation sa nabanggit na lugar.

Dahil dito, lumutang ang impormasyon na ‘sell-bust’ ang pakay ng PDEA, bagay na kinondena ng pinuno nitong si Director General Wilkins M. Villanueva dahil pinanindigan din nitong hindi sila nagsasagawa ng ‘sell-bust’ dahil ito’y ilegal.

Walang sell-bust na tinatawag sa operasyon ng mga awtoridad laban sa droga, ratsada ni Major Gen. Vicente Danao Jr., direktor ng National Capital Region Police Office (NCRPO).

Walang maibigay si Lavin na eksaktong petsa sa pagtatapos ng imbestigasyon dahil binubusisi pa ng mga imbestigador ng NBI ang insidente.

Noong Pebrero 26, iniutos ni Duterte sa NBI na hawakan ang kaso.

Pinatigil din ni Duterte ang “joint probe” ng Philippine national Police (PNP) at PDEA hinggil sa naganap.

Hiniling din niya kina Senador Ronald dela Rosa at Rep. Robert Barbers na huwag nang ituloy ang kani-kanilang imbestigasyon sa kontrobersiya.

173

Related posts

Leave a Comment