(JESSE KABEL)
HANDANG-HANDA ang mga pulis na bumaril at nakapatay kay Calbayog City Mayor Ronald Aquino at sa tatlong kasama nito kaya naniniwala ang isang mambabatas sa Kamara na ambush ang nangyari.
Ayon kay Samar 1st District Rep. Edgar Mary Sarmiento, malinaw umanong makikita sa mga CCTV footage at pahayag ng mga saksi na ambush ang ginawa taliwas sa pahayag ng mga pulis na shootout.
Sinabi pa ng kongresista, kung shootout ang nangyari ay dapat nakaposisyon ang mga pulis at hindi sila nakasuot ng bonnet.
Base umano sa salaysay ng ilang saksi, napatay si Mayor Aquino kasama ang dalawang bodyguard at driver nito matapos tambangan ng mga armadong nakasuot ng bonnet sa Laboyao Bridge, Brgy. Lonoy sa Calbayog City, lalawigan ng Samar.
Ayon sa ulat, sakay ng sports utility vehicle ang alkalde na kagagaling lamang maglaro ng tennis at papunta sa birthday ng anak na lalaki nang sundan ng isang van.
Pagdating sa tulay, agad na pinaputukan ng mga suspek ang sasakyan ng mayor.
Tinamaan si Mayor Aquino sa ulo at agad na isinugod sa pagamutan. Gayunman, binawian din ito ng buhay.
Kinumpirma ni Philippine National Police (PNP) chief, Gen. Debold Sinas na kabilang si Aquino sa tatlong namatay sa engkwentro.
Ayon kay Sinas, hindi pa kumpleto ang mga detalye ng insidente pero tiyak nilang shootout ito at hindi ambush kagaya ng unang naiulat.
Batay sa paunang impormasyon ng PNP, naunang nagpaputok ang grupo ng alkalde sa sinasakyan ng mga pulis na napadaan lang umano.
“Ang mga pulis natin who were passing by, based sa initial findings ng mga pulis natin, ay binaril ng mga escort ni mayor. Hindi nila alam na pulis ang nandoon sa loob, tapos ang mga pulis gumanti na lang,” ani Sinas.
Inihayag naman ni PNP spokesman, Brig. Gen. Ildebrandi Usana na pinaiimbestigahan na ni Sinas kay Region 8 Police director, Brig. Gen. Ronaldo de Jesus ang pangyayari.
Kaugnay nito, nagtataka si Cong. Sarmiento kung paano nangyari ang sinasabi ng PNP na shootout dahil maliwanag sa CCTV footage na pinagbabaril ang sasakyan ng alkalde.
“Doon naman sa mga nang-ambush, masakit sabihin kaya lang mga naka uniporme ito, mga miyembro pa ng PNP.
Ako’y nagtataka bakit nakuha pa ng mga police escort ni Mayor Aquino na makaganti ng putok laban sa mga suspek kung saan sinasabing may dalawang pulis sa kabilang panig ang tinamaan.
Sinabi pa ng kongresista, kung shootout ang nangyari ay dapat na nakaposisyon ang mga pulis at hindi sila nakasuot ng bonnet.
Taong 2011, nang patayin din ang dating alkalde ng lungsod na si Reynaldo “Ining” Uy habang dumadalo sa pista sa bayan ng Hinabangan. Hindi pa rin nalulutas ang nasabing pamamaslang.
WALANG HUSTISYA
SA PNP – SOLON
Dahil mistulang nawalan na ng tiwala sa PNP ang mambabatas kaya nagpasaklolo na ito sa National Bureau of Investigation (NBI) para magkaoon ng impartial investigation sa pananambang kay Aquino.
“Humihingi ako ng tulong [sa NBI]. I can’t get justice from the Philippine National Police, I believe so,” ani Sarmiento na hindi naniniwalang nagkaroon ng shootout sa pagitan ng mga pulis at grupo ni Aquino.
“Ako’y nasasaktan na pinalalabas na shootout doon po sa ground zero. Maliwanag na maliwanag na sinasabi ng mga witnesses na talagang binaril muna ang sasakyan ni mayor,” ayon pa sa mambabatas.
“Doon naman sa mga nang-ambush, masakit sabihin kaya lang mga naka uniporme ito, mga miyembro pa ng PNP. Ako’y nagtataka bakit naka-bonnet at saka naka M-203 pa. Talagang handang-handa,” dagdag pa ng mambabatas.
“I am appealing once again to President Rodrigo Roa Duterte and this time to the Department of Justice (DOJ) Secretary Menardo Guevarra to allow the National Bureau of Investigation to investigate what happened since uniformed personnel who are supposed to be the protectors of peace and order were involved in the shooting incident,” ayon pa sa mambabatas.
NBI PROBE
Bilang tugon, inihayag ni Justice Secretary Menardo Guevarra na maglalabas siya ng opisyal na kautusan sa NBI upang simulan ang imbestigasyon.
Diniretso ni Guevarra na ang dahilan ng paglulunsad ng “parallel investigation” ng NBI sa kaso ni Aquino ay dahil nakarating sa kanya ang impormasyon na pulis ang mga suspek.
Ang anggulong ito lang ang nag-udyok sa kanya na paimbestigahan agad ang naganap na krimen sa lungsod ng Calbayog.
Tiniyak ng kalihim ng na magiging “objective” , “impartial” at “fair”ang pagsisiyasat kahit pulis ang pinaghihinalaang pumatay sa alkalde.
PATAYAN
SA PULITIKA
Samantala, kinondena ng Malakanyang ang pagpatay kay Mayor Aquino.
Ang pangamba ni Presidential spokesperson Harry Roque ay simula na ito ng political violence bunsod ng papalapit na 2022 elections.
“Kinukondena po natin iyan dahil ang karapatang mabuhay po ay ang pinakaimportanteng karapatan. Nanunumbalik po kami at naalarma na dahil isang mayor po ang pinatay baka ito’y simula na naman ng patayan dahil sa pulitika sa panahon na papalapit na ang eleksyon,” ayon kay Sec. Roque.
“Ang demokrasya po, tao po ang humahalal at ang ating panawagan, hayaan po nating maghalal ang taumbayan sa pamamagitan ng pagpili ng sa tingin nila ang pinakaepektibong mga mamumuno. At saka itong political violence po has no place in a democracy. Kinukondena po natin iyan,” dagdag na pahayag ni Sec Roque. (BERNARD TAGUINOD/NELSON S. BADILLA/CHRISTIAN DALE)
202
