UMABOT 668 katao ang agad nahuli sa unang gabi ng mahigpit na implementasyon ng curfew hours ng Quezon City Police District (QCPD) sa buong siyudad noong Lunes.
Ang QCPD ay naglatag ng 23 checkpoints sa iba’t ibang lugar sa Quezon City para sa implementasyon ng curfew na napagkasunduan kamakailan ng Metro Manila mayors na pare-parehong oras ipinatupad sa National Capital Region (NCR).
Ayon kay QCPD Director P/Brigadier General Danilo P. Macerin, 23 checkpoints ang kanilang inilatag sa iba’t ibang lugar sa Quezon City na pinangangasiwaan ng mga tauhan mula sa 16 police stations at suportado ng beat at mobile car patrollers sa barangay level.
Ito ay para ipatupad nang mahigpit ang curfew hours mula alas-10:00 ng gabi hanggang alas-5:00 ng umaga at para tiyakin na lahat ng mamamayan sa Quezon City ay sumusunod sa minimum health and safety protocols.
Kasabay nito, tiniyak ng QCPD sa publiko na ang security measures ay iniimplementa para sa kapakinabangan ng buong sambayanan.
Banggit ni P/BGen. Macerin, “We are doing our best to help stop the spread of COVID-19 and that we will never waiver in our commitment to serve and protect the public amidst the rising of COVID 19 cases”. (JOEL O. AMONGO)
250 