DALAWANG miyembro ng Mababang Kapulungan ng Kongreso, na kinabibilangan ni Anakalusugan Party-list Rep. Mike Defensor, ang nagpositibo sa coronavirus disease 2019 o COVID-19.
Gayunpaman, pagaling na umano si Defensor na nagpositibo sa COVID-19 dalawang linggo na ang nakararaan at ngayong araw ay muling isasailalim sa final swab test.
“Patapos na, bukas finals test,” ani Defensor na naka-isolate bilang pagsunod sa health protocol na itinakda ng gobyerno.
“Luckily, wala naman akong naramdaman. No shortness of breath, taste and smell never left me, no high fever and lowering of oxygen level,” ayon sa mambabatas na miyembro ng BTS sa Kongreso.
Inanunsyo naman ni Negros Oriental 1st District Congresswoman Jocelyn Sy Limkaichong na nagpositibo siya sa COVID-19 at kasalukuyang naka-quarantine sa Manila.
“I was positive for COVID-19. I want to be transparent that I am positive for coronavirus. I am asymptomatic,” ayon kay Limkaichong.
Ayon sa mambabatas, kahit naging maingat siya at mahigpit na sinusunod ang health protocol ay nagkaroon pa rin siya ng COVID-19 ngunit hindi niya idinetalye kung paaano siya nagkaroon ng virus.
Umapela ang mambabatas sa lahat ng kanyang mga nakasalamuha na magpa-swab test. Sumailalim na aniya sa nasabing pagsusuri ang kanyang pamilya bilang bahagi ng pag-iingat.
Bunsod nito, umaabot na sa 15 ang bilang ng mga mambabatas na nagkaroon ng COVID-19, kabilang ang dalawang nasawi na sina dating Senior Citizen Party-list Rep. Francisco Datol Jr. at Sorsogon Rep. Bernardita Ramos.
Ang Kamara ay nagsasagawa ng lingguhang antigen test sa lahat ng mga kawani bago papasukin sa kanilang tanggapan upang masiguro na walang dalang virus ang mga ito.
Gayunman, wala pang report ang liderato ng Kamara kung ilang empleyado na ang nagpositibo sa COVID-19 sa isinasagawang antigen test tuwing Lunes.
Ngunit ayon sa isang guwardya na hindi nagpabanggit ng pangalan, may mga empleyado ng Kamara ang isinakay sa ambulansya palabas ng Batasan Complex, pagkatapos ng kanilang antigen test.
Mula noong Disyembre ay hindi na nagbigay ng update ang Kamara kung ilang empleyado na ang tinamaan ng nasabing virus mula nang magkaroon ng pandemya noong Marso 2020.
Samantala, mayroon pang tatlong cabinet secretary ang kasalukuyang nasa ilalim ng quarantine.
Ang mga ito ay bukod pa kay Presidential Spokesperson Harry Roque na nagpositibo sa COVD-19.
Ayon kay Sec. Roque, kabilang dito si NTF deputy chief implementer testing czar, Sec. Vince Dizon. Si dizon ay nakahalubilo ni Sec. Roque dahil magkasama sila sa isang event sa Ilocos Norte noong Biyernes.
Ani Sec. Roque, sinabihan na niya hinggil dito ang iba pang mga indibidwal na kanyang nakasama mula Marso 11 hanggang Marso 14, para mag-self isolate o quarantine.
Sinabi pa nito na kasama niya at nakasalamuha rin sa nabanggit na petsa si Ilocos Norte Governor Matthew Joseph Marcos Manotoc.
Bukod kay Dizon, naka-quarantine din si NTF chief implementer Carlito Galvez Jr. dahil galing ito sa India para sa isinarang kontrata sa 30 milyong doses ng Novavax.
Kabilang sa health protocol na kapag galing sa ibang bansa ay obligadong sumailalim sa quarantine.
Habang ang pangatlo namang cabinet secretary na naka-quarantine ay si Defense Secretary Delfin Lorenzana dahil na-expose din ito at nagpositibo sa COVID-19.
Sa public address ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte noong Lunes ng gabi, tanging si Health Secretary Francisco Duque III lamang ang cabinet secretary na nakaharap nang ‘face to face’ sa chief executive dahil sina Secs. Roque, Galvez at Lorenzana ay naka-zoom sa nasabing pulong. ((BERNARD TAGUINOD/CHRISTIAN DALE)
133 