Bilang pag-iingat sa COVID-19 NUPs WORK FROM HOME MUNA – ELEAZAR

PINAIRAL ang mas mahigpit na mga hakbangin sa loob ng national headquarters ng Philippine National Police (PNP) simula kahapon upang maibsan ang pagkalat ng coronavirus sa kanilang hanay.

Bukod sa pagbabalik ng mga istriktong health protocols sa PNP General Headquarters, ipinag-utos din ni PNP Officer In Charge P/Lt. Gen. Guillermo Eleazar ang pagbabago sa sistema ng pagtatrabaho ng mga police uniformed personnel at non-uniformed personnel.

Ito ay matapos ang konsultasyon ni LtGen. Eleazar kay chief PNP, Police General Debold M Sinas, kasunod ng isinagawang pagpupulong sa hanay ng senior police officers kasama ang PNP Health Service kung saan pinag-usapan ang mga paraan para maiwasan ang pagkalat ng COVID-19 sa kanilang hanay.

Ayon kay Eleazar, sinang-ayunan ni Sinas ang pagpapairal ng modified work arrangement sa organisasyon kasama na ang eskimang work from home para sa mga NUP na nakatalaga sa NHQ sa Camp Crame bilang alternatibong work arrangement sa gitna ng muling paglobo ng coronavirus disease sa National Capital Region.

Nabatid na inatasan na ang lahat ng pinuno ng mga tanggapan sa NHQ na magsagawa ng kani-kanilang assessment kung paano maipatutupad ang modified work arrangement nang hindi naapektuhan ang administrative works and outputs ng kanilang mga opisina.

Nilinaw ni Gen. Eleazar na hindi kasali sa nasabing work arrangement ang mga uniformed personnel dahil kakaiba ang tungkuling ginagampanan ng mga ito.

“Aside from our regular law enforcement duties, we are also engaged in other functions that include the enforcement of the quarantine protocols such as the recent implementation of the uniform curfew hours in Metro Manila,” paliwanag ng opisyal.

Sa kabila nito, nilinaw ni Eleazar na pinag-aaralan din nila ang alternative work arrangement para sa kanilang mga uniformed personnel.

Mahigpit ding ipinag-utos ni Lt. Gen. Eleazar na ibalik ang mga istriktong health protocols sa lahat ng mga kampo at tanggapan ng pulisya. (JESSE KABEL)

446

Related posts

Leave a Comment