CASUALTY SA KAMARA NADAGDAGAN

ISA pang empleyado ng Mababang Kapulungan ng Kongreso ang pumanaw nitong Lunes dahil sa COVID-19.

Sa media viber group kasama ang Media Affairs and Public Relations Service (MAPRS), inanunsyo ang pagpanaw ng isang empleyado ng nasabing tanggapan na si Mar Castro.

“Mga kapatid sa media. We just wish to inform you that our staff Mar Castro just passed away this morning from COVID. May he rest in peace,” ayon sa isang kasamahan ni Castro.

Ang nasabing tanggapan ang umaasiste sa mga kagawad ng media sa Mababang Kapulungan ng Kongreso.

Nabatid na nagpositibo si Castro sa COVID-19 noong nakaraang linggo nang sumailalim sa antigen test na regular na ginagawa ng Kamara para sa mga empleyado kada Lunes bilang health protocol sa Batasan.

Dahil dito, sumailalim sa swab test si Castro noong Miyerkoles kung saan positibo ang resulta at nitong Lunes ay binawian ng buhay.

“We are all still in shock. Let us pray for his family because two of his kids are positive too,” ayon pa sa mensahe ng isa sa kaopisina ni Castro na hindi nagpabanggit ng pangalan dahil hindi awtorisado ang mga ito na magsalita sa isyu ng COVID-19 cases sa Kamara.

Noong nakaraang taon, limang empleyado ng Kamara ang pumanaw hanggang noong Oktubre 2020 ngunit tumigil ang kapulungan na magbigay ng regular na report hinggil sa COVID-19 cases nang maging Speaker si Marinduque Rep. Lord Allan Velasco. (BERNARD TAGUINOD)

197

Related posts

Leave a Comment